Ang pagkakaroon ng sakit na altapresyon ay maaaring humantong sa ilang mas seryosong sakit gaya ng stroke, atake sa puso, at karamdaman sa mga bato (kidney). At ang posibilidad na mangyari ito ay lalong tumataas pa kung mapapabayaan ang kondisyon, at magpapatuloy nang matagal na panahon.
Upang hindi na lumala pa ang kondisyon na nararanasan, nararapat lamang na iwasan ang mga bagay na nakakapagpataas pa ng presyon ng dugo, kabilang na siyempre ang mga pagkain na kilalang nakapagpapataas ng presyon ng dugo. Ang sumusunod ay 10 pagkain at inumin na mabuting iwasan kapag dumaranas ng pagtaas ng presyon ng dugo.
1. Mga naprosesong karne (deli meat)
Ang mga naprosesong karne gaya ng ham, bacon, salami, longanisa at tapa ay pareparehong may mataas na lebel ng sodium. Ito kasi ang pangunahing sangkap para mapreserba at magtagal ang karne. Kung nakakaranas ng mga sintomas ng altapresyon gaya ng pagkahilo, at pag-init na pakiramdam, mabuting itigil na kaagad ang pagkain sa mga ito.
2. Chinese food
Kadalasan, ang mga pagkaing nabili sa mga Chinese restaurant ay maalat. Ngunit bukod sa pampalasang asin, malimit din lagyan ng monosodium glutamate (MSG) ang mga ganitong uri ng pagkain. Ang MSG ay nakapagpapataas din ng presyon ng dugo, kaya marapat lang din na iwasan ang mga pagkaing ito. Alamin ang mga posibleng epekto ng MSG sa pagkain: Ligtas ba ang paggamit ng vetsin sa pagkain.

3. Mga delata at instant noodles
Ang ilang mga delata gaya ng sardinas at mga instant ulam ay kadalasang maalat at nakapagpapalala sa kondisyon ng may altapresyon. Ang mga seasoning na kalakip ng mga instant noodles naman ay may mataas din na lebel ng MSG at asin. At alam naman nating lahat na ang dalawang sangkap na ito ay malakas makapagpataas ng presyon ng dugo. Alamin ang iba pang epekto ng madalas na pagkain ng mga instant na pagkain: Masasamang epekto ng instant food.
4. Matabang karne
Ang matatabang karne ng baboy at baka ay parehong nagdadala ng nakakasamang taba (fats) sa katawan ng tao. At ang mga fats na ito ay nakakakontribyut din sa paglala ng kondisyon ng may altapresyon.

5. Alak
Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng mga inuming may alkohol ay nakakapagpataas din ng presyon ng dugo. Bukod pa rito, maaari ding masira ang mga pader ng mga ugat na daluyan ng dugo na maaari ding makapagpalala sa komplikasyon na maaaring maranasan. Alamin ang iba’t ibang sakit na maaaring makuha sa sobrang pag-inom ng alak: Mga sakit na makukuha sa sobrang pag-inom ng alak.
6. Sitsirya
Ang mga sitsirya na mabibili sa mga pamilihan ay dapat ding iwasan sapagkat ang mga ito ay talaga namang maalat. Minsan pa, mataas din ang taglay na MSG ng mga ganitong uri ng pagkain.

7. Whole fat milk
Bagaman kinakailangan ng katawan ang regular na suplay ng calcium mula sa gatas, ang gatas na may mataas na lebel ng animal fat ay maaari namang makasama sa mga taong dumaranas ng kondisyong altapresyon. Piliin ang mga non-fat o low-fat milk kung dumadanas na ng sakit.
8. Maalat na sawsawan
Ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa mga sawsawan gaya ng toyo, patis, at bagoong. Sa kasamaang palad, ang mga ito ay kadalasang may mataas din na lebel ng sodium na nakapagpapataas sa presyon ng dugo.

9. Isda na pinatuyo
Mahilig din ang mga Pinoy sa mga isdang pinatuyo gaya ng tuyo, danggit, daing, at iba pa. Sa kasamaang palad pa rin, ang mga ito nilagyan ng maraming asin upang mapreserba.
10. Kape
Ang kape pati na rin ang iba pang inumin na may caffeine ay maaaring makapagpataas sa presyon ng dugo. Ang pag-inom ng isang tasang kape ay kayang pataasin nang pansamantala ang presyon ng dugo bilang ito ay epekto ng caffeine na matatagpuan sa kape. Alamin ang iba’t ibang epekto ng substansyang caffeine sa kalusugan: Kaalaman tungkol sa Caffeine.
