10 Pangunahing Dahilan ng Kamatayan sa Pilipinas

Ang kaalaman ukol sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ay isang napakahalagang impormasyon na dapat malaman ng lahat. Unang una sa lahat, makatutulong ang impormasyong ito para maiwasan nang agad ang mga nangunang sanhi ng kamatayan. At ikalawa, mahalaga ang kalinangang ito para malaman ng mga alagad ng medisina kung saan at ano ang dapat nilang pagtuunan ng pansin sa pagliligtas ng buhay.

Noong taong 2009, naglabas ang Department of Health ng bagong listahan ng 10 pangunahing dahilan ng kamatayan sa populasyon ng Pilipinas. Ito ay base rin sa panggitna o average ng 5 taong datos mula 2004 hanggang 2008. Ang listahan ay ang sumusunod:

1. Karamdaman sa Puso

Image Source: www.freepik.com

Ang nangungunang dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng mga karamdaman o kondisyon sa puso, gaya ng atake sa puso. Sa katunayan, ito rin ang nangungunang dahilan ng pagkamatay sa maraming mga bansa gaya ng Estados Unidos. Ayon sa pag-aaral, sa bawat 100,000 na mga Pilipino, 109.4 ang rate ng kamatayan (mortality rate) sa taong 2009.  Sinasabi din sa pag-aaral na ito na ang mataas na bilang ng mga karamdamang ito ay kadalasang konektado sa istilo ng pamumuhay.

2. Karamdaman sa mga ugat na daluyan ng dugo.

Image Source: www.gohealthuc.com

Ang mga sakit na may koneksyon sa mga daluyan ng dugo ay ang pumapangalawa naman na sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Kabilang dito ang mga karamdaman gaya ng altapresyon, stroke, pagbabara sa daluyan, at iba pa. Ayon sa datos, ang mortality rate ng kondisyong ito ay 71 sa bawat 65,489 na mga Pilipino. Maituturo din mga karamdamang ito sa istilo ng pamumuhay gaya ng pagkain ng matataba at maaalat.

3. Malubhang kanser

Image Source: www.oncologynurseadvisor.com

Mataas din ang kamatayan na dulot ng pagkakaroon ng kanser sapagkat isa ito sa mga sakit na talagang mahirap gamutin lalo na kung hindi agad natukoy. Ang traydor na sakit na ito ay maaring maranasan ng kahit na sino, ngunit maaari itong mapataas ng husto dahil sa ilang nakasanayang gawain gaya ng paninigarilyo. Ang mortality rate para sa mga sakit na kanser ay 51.8 sa bawat 47,732.

4. Pulmonya

Image Source: microbiozhealth.com

Mula sa ika-5 puwesto, tumaas ang sakit na pulmonya sa pang-apat na nangungunang dahilan ng kamatayan sa populasyon ng Pilipinas. Ang pagkakaroon ng mahinang resistensya laban sa impeksyon ng bacteria dahil pa rin sa pagpapabaya sa kalusugan ang tinuturong sanhi ng pagtaas ng bilang ng pagkakaroon ng nakamamatay na sakit na ito. Umabot sa 46.2 sa bawat 42,642 na mga Pilipino ang mortality rate ng sakit na ito.

5. Mga aksidente

Image Source: busy.org

Ang iba’t ibang aksidente at mga kalunos-lunos na kalamidad ang pang-limang dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino, at kadalsan, ito ay nakaaapekto sa mga kabataang ang edad ay 10 hanggang 24 na taong gulang. Ayon sa datos, nangunguna ang mga aksidente sa kalsada, na sinundan naman ng pagkalunod. Ang mortality rate sa bawat 35,990 ay 39.0.

6. Tuberculosis

Image Source: www.webmd.com

Kung noon ay nangunguna ang sakit na TB sa mga nagdudulot ng pagkamatay ng mga Pilipino, ito ay patuloy na bumaba sa nakalipas na dekada. Hindi maikakaila na naging maigting ang paglaban ng ilang mga organisasyon at ahensya ng pamahalaan sa sakit na ito. Kaya naman sa taong 2009, ang mortality rate ng karamdamang ito ay 27.6 sa bawat 25,470 ng populasyon.

7. Iba pang malulubhang karamdaman sa baga

Image Source: www.freepik.com

Kabilang ang iba pang mga sakit sa baga gaya ng bronchitis, emphysema, at COPD sa ika-pitong nangungunang sanhi pagkamatay sa Pilipinas. At ang lahat ng mga ito ay may malaking kaugnayan sa paninigarilyo. Ang mortality rate para sa mga kondisyong ito ay 24.7 sa bawat 22,755 ng populasyon.

8. Diabetes Mellitus

Image Source: www.npr.org

Dahil ang paggagamot sa malubhang sakit na diabetes ay nananatiling magastos at maaring hindi kayang mabili ng karaniwang Pilipino, halos walang pagbaba sa kaso ng mga pagkamatay na konektado sa sakit na ito, kahit pa patuloy naman ang pag-abante ng kampanya laban sa sakit. Ang mortality rate ng sakit na diabetes at 24.2 sa bawat 22,345 na mga Pilipino.

9. Karamdaman sa bato

Image Source: www.webmd.com

Ang pagkakaroon ng mga karamdaman sa bato ay kadalasang komplikasyon ng pagkakadanas ng iba pang kondsiyon sa katawan tulad ng diabetes at altapresyon. At ang pagkakaroon ng mga karamdamang ito ay maaaring humantong sa pagkasira ng mga bato, na kung mapapabayaan ay maaaring makamatay. Ang paggagamot sa karamdamang may koneksyon sa mga bato ay kadalasang hindi rin abot-kaya ng mga pangkaraniwang Pilipino, kaya naman mataas pa rin ang bilang ng mga Pilipinong namamatay dahil dito.  Umabot sa 15.0 sa bawat 13,799 ng populasyon ang mortality rate dulot ng sakit na ito.

10. Kondisyon at karamdam sa mga bagong panganak

Image Source: www.freepik.com

Maraming iba’t ibang sakit at kondisyong maaaring makaapekto sa mga sanggol na bagong panganak. Kabilang dito ang premature birth na humahantong sa pagkamatay, impeksyon sa mga bagong silang, kakulang ng nutrisyon, at iba pa. At ang pinagsama-samang kaso ng mga ito ang bumubuo sa ika-sampung pangunahing dahilan ng kamatayan sa Pilipinas. Ang mortality rate dito ay 12.5 sa bawat 11,514 ng populasyon.