10 Tips upang makatipid ng gastos sa ospital

Sa panahon ngayon, mahal ang magkasakit, lalo na kung kakailanganing dalhin at i-confine sa ospital ang pasyente. Maliit na ang 20 libo na gastos para sa ilang gabi sa murang ospital, habang maaari namang lumampas ng 100 libo ang gastusan kung ang kondisyon ay malubha at nasa mamahaling ospital.

Sa hirap ng buhay ngayon, ang anumang paraan ng pagtitipid ay tiyak na makatutulong. Kaya naman, narito ang 10 tips na tiyak na makatutulog sa pagtitipid sa gastos sa ospita:

1. Gamitin ang health card at iba pang segurong pangkalusugan

Alamin kung ang ospital na papasukin ay accredited ng health card o anumang seguro upang makatipid. Ang mga health card at segurong pangkalusugan (health insurance) ay makatutulong nang malaki sa kabawasan ng gastusin sa ospital. Maaari nitong sagutin ang malaking porsyento ng gastos sa ospital, mula sa mga hospital fees hanggang sa professional fee sa doktor. Ang PhilHealth ay isang halimbawa ng segurong pangkalusugan na itinalaga ng gobyerno upang magbigay ng murang seguro.

Basahin ang mga benepisyon makukuha sa pagiging miyembro ng Philhealth: Benepisyo ng Philhealth.

2. Lumapit sa mga pang-gobyernong ospital at pagamutan

Kung ang kondisyon ay makapaghihintay naman at maaaring pagtiyagaan, pumila na lamang sa mga pampublikong ospital na hawak ng gobyerno. Ang mga ospital na ito ay kadalasang nangangailangan lamang ng paunang bayad na maliit lamang, habang ang bayad sa doktor ay sagot na ng gobyerno. Ang tanging gagastusin na lamang ay ang pagbili ng mga iniresetang gamot at mga materyales na kakailanganin sa paggagamot. Sa Maynila, nariyan ang Jose Reyes Memorial Medical Center, Philippine General Hospital, Dr Jose Fabella Memorial Hospital, San Lazaro Hospital, at marami pang iba.

Alamin kung saang ospital pinakamalapit: Listahan ng mga ospital sa Pilipinas.

3. Dumulog sa mga institusyon na nagbibigay ng tulong pampinansyal

Mayroon ding mga institusyon sa bansa na nagbibigay ng tulong pampinansyal sa mga taong kulang ang pambayad sa ospital. Kadalasan ay humihingi lamang ng kasulatan na nagsasaad ng pangangailan, at ilan pang requirements na itinalaga ng institusyon. Halimbawa ng institusyong maaaring dulugan para sa ganitong pangangailangan ay ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

4. Piliin ang mas murang kuwarto sa ospital

Kung walang sapat na pambayad sa ospital, mabuting piliin na lamang ang mas maliit na kuwarto ng ospital, o di kaya’y murang ward sa ospital. May ilang mga ospital din na mayroong charity ward o maliliit na kuwarto na walang aircon na tiyak na mas mura din kung ikukumpara sa pribadong kuwarto ng ospital. Malaki ang matitipid sa gastusin sa ganitong paraan na maaaring umabot lamang sa kalahati ng bayarin ng pasyenteng gumamit ng pribadong kuwarto sa ospital.

5. Magtanong kung maaari ang mas murang paggagamot

Huwag mahihiyang magtanong sa doktor kung mayroong mas murang paraan ng paggagamot, partikular sa pagbili ng mga iniresetang gamot. Alamin kung maaari ang generic na gamot upang mas makatipid.

6. Gamitin ang mga diskuwentong nakatalaga para sa pasyente

Huwag kalilimutang magdala ng ID kung ang pasyente ay senior citizen. Itinalaga kasi ng batas ang 20% na diskuwento para sa matatanda. Sayang naman ang diskuwento kung hindi ito magagamit.

7. Magkaroon ng doktor para sa buong pamilya (family doctor)

Ang pagkakaroon ng doktor para sa buong pamilya ay isa ring malaking tulong upang makatipid sa gastusin. Kung ang doktor ay kaibigan na ng pamilya, hindi malayong makakuha ng diskuwento sa pambayad sa doktor. Maaari ding makakuha ng mahusay na rekomendasyon para sa ibang doktor na epesyalista sa ibang larangan.

8. Itabi ang lahat ng resulta ng mga pagsusuri

Ipunin ang lahat ng dokumento at resulta ng pagsusuri sa ospital. Ilagay ito sa isang folder at hiwag iwawaglit. Makatutulong ito sa pagtitipid sa gastos upang hindi na maulit ang ibang pagsusuring nauna nang isinagawa.

9. Ugaliin ang regular na pagpapa-check-up

Maging maagap sa sariling kalusugan. Regular na magpatingin sa doktor ng kahit 1 beses sa isang taon. Sa pamamagitan nito, maaaring matukoy ang sakit habang maaga pa at maiwasan ang mas mahal na gastusin sa ospital.

Basahin ang kahalagahan ng regular na pagpapatingin sa doktor: Kahalagahan ng regular na pagpapacheck-up.

10. Umiwas sa lahat ng bisyo at mga gawaing maaaring makasama sa kalusugan.

Ang malusog na pamumuhay at pag-iwas sa mga bisyo na maaaring pagmulan ng mga sakit ay mabisang paraan din ng paggiging maagap sa mahal na gastusin sa ospital. Kung mapapanatiling malusog ang pangangatawan at malayo sa anumang sakit, hindi na kakailanganin pang gumastos sa ospital.