Ang pagtulog ay isang napakahalagang gawain na kailangan ng katawan upang gumana ng maayos. Ito ang kalagayan ng katawan kung saan, bumabagal o humihinto ang paggana ng ilang sistema katawan at tanging ang ilang pinakamahahalagang sistema na lamang ang nananatiling gumagana tulad ng paghinga at pagdaloy ng dugo.
Ang sapat na tulog na nasa tamang oras ay makatutulong nang malaki sa pagpapanatiling malusog ng pag-iisip, at maayos na paggana ng mga sistema ng katawan habang ang kakulangan naman nito ay makaaapekto ng malaki sa pang-araw-araw na gawain at maaaring ikapahamak pa. Subalit ang kakulangan naman ng tulog ay maaaring may masasamang epekto sa kalusugan. Basahin ang masasamang epekto ng kakulangan ng tulog: Masasamang epekto ng kulang sa tulog.
Tunghayan sa Kalusugan.Ph ang tunay na kahalagahan ng pagtulog at kung paano ito nakaapekto sa pang-araw-araw na gawain.
5 Kahalagahan ng Pagtulog
1. Malusog na pag-iisip at emosyon
Image Source: unsplash.com
Ayon sa mga pag-aaral, ang taong may sapat na tulog ay mayroong malusog na pag-iisip. At kaugnay nito ay mas nagiging alisto sa mga gawain, mabilis na nakapagdedesisyon, natututo na mga bagong bagay ng mas mabilis, at mas nagiging malikhain. Ang mga bagay na ito ay alam naman nating mahalaga sa pagiging produktibo ng bawat indibidwal sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, sa trabaho man o sa eskuwelahan.
Apektado din ng sapat na pagtulog ang emosyon at mood ng bawat indibidwal. Ayon pa rin sa mga pag-aaral, mas mababa ang posibilidad ng depresyon, pagiging balisa, mga mood swings, at pagkakabagabag kung sapat at nasa tamang oras ang pagtulog.
2. Pagsasaayos ng mga tissue sa katawan
Image Source: www.freepik.com
Sa pagtulog nagaganap nang mas epektibo ang pagsasaayos sa mga nasirang ng tissue o kalamnan ng mga katawan sa ginagamit sa araw-araw. Dito’y napapalitan ng bago ang mga lumang cells at naibabalik sa dati ang mga nasirang laman dahil sa sobrang pagtatrabaho habang gising. Ito ay mahalaga lalo na sa mga nagpapalaki ng katawan sa pag-eehersisyo.
3. Malakas na resistensya ng katawan
Image Source: www.freepik.com
Kaugnay din ng sapat na tulog ang mas malakas na resistensya ng katawan. Mas epektibong napoprotektahan ng immune system ang katawan laban sa mga impeksyon na nagdudulot ng sakit kung mayroong sapat at nasa tamang oras na tulog. Ayon din kasi sa ilang mga pag-aaral, mas madalas nagkakasakit ang mga taong palaging puyat at wala sa tamang oras ang pagtulog. Basahin ang iba pang bagay na maaaring makapagpahina sa resistensya ng katawan: Mga gawaing nakakapagpahina sa resistensya ng katawan.
4. Maayos na paglaki ng pangangatawan sa mga kabataan
Image Source: www.freepik.com
Ang mga kabataan na lumalaki pa lamang ay higit na nangangailangan ng sapat na tulog. Ito ay sapagkat pinakaepektibo ang paglago ng mga buto at kalamnan sa mga kabataang lumalaki pa lamang, mula sa mga sanggol hanggang sa pagtungtong sa puberty stage kung kailan pinakaaktibong lumalaki ang mga indibidwal, sa oras ng kanilang pagtulog.
5. Paglayo sa iba’t ibang karamdaman sa katawan
Image Source: www.mindbodyunite.com
Ang pangkabuuang kalusugan at paggana ng ilang bahagi ng katawan gaya ng puso, dugo, atay, at bato ay konektado pa rin sa sapat na tulog ng bawat indibidwal. Mas tumataas kasi ang posibilidad ng pagkakaroon ng mga karamdaman sa mga bahaging ito gaya ng stroke, atake sa puso, mga problema bato at atay, altapresyon, at diabetes kung hindi sapat ang tulog na nakukuha bawat araw.