Ang balat na bumabalot sa buong katawan ng tao ang nagsisilbing pangunahing proteksyon ng katawan mula sa lahat ng uri ng bagay na maaaring makapaminsala sa kalusugan. Kung wala ito, madaling makapapasok ang mga mikrobyo at makapagdudulot ng sakit. Mawawalan din ng proteksyon ang katawan mula sa nakasasamang UV rays mula sa araw. Kaya’t marapat lang din na mapangalagaan ang balt at mapanatili itong malusog sa lahat ng oras.
1. Protektahan ang sarili mula sa araw
Isa sa mga pinakamahalagang paraan ng pangangalaga sa balat ay ang pag-iwas sa direktang pagkakalantad nito sa araw. Ang sobrang UV rays na tumatama sa balat ay maaaring magdulot ng pangungulubot ng balat, mga patse-patse, at iba pang abnormalidad sa dito. Mas tumataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser sa balat kung palagiang mabibilad ito sa araw. Upang maproteksyonan ang balat mula sa masasamang epekto ng araw, maaaring sundin ang sumusunod na hakbang:
- Laging gumamit ng pinapahid na sunblock kung susugod sa matinding sikat ng araw.
- Sumilong sa may lilim sa mga oras ng katirikan ng araw (10 ng umaga hanggang 3 ng hapon).
- Gumamit ng payong o sombrero, o kaya’y magsuot ng damit na may mahabang manggas upang maprotektahan ang balat mula.
Basahin ang iba pang masasamang epekto ng pagbababad sa init ng araw: Masasamang epekto ng ultra violet sa katawan.
2. Huwag manigarilyo
Ang paninigarilyo, kailanman ay walang maidudulot na mabuti sa kalusuga, maging sa balat. Nalilimitahan ang sustansya at oxygen na nakararating sa balat dahil sa pagninikip ng mga ugat ng dugo na resulta naman ng paghithit ng sigarilyo. At sa kadahilanang ito, ang balat ay mas nagmumukhang matanda at mas mabilis mangulubot. Mababawasan din ang tibay at elastisidad ng balat dahil sa pagkasira ng collagen at elastin.
Basahin ang iba pang masasamang epekto ng paninigarilyo: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.
3. Maging mas banayad sa pangangalaga ng balat.
May ilang mga gawain na inaakala ng marami na makabubuti sa balat, ngunit sa kabaligtaran, mas lalo lamang itong nakakasira.
- Bawasan ang oras ng paligo. Ang masyadong matagal na pagligo ay maaaring hindi makabuti sa kalusugan ng balat. Ito’y sapagkat naaalis o nababawasan nang husto ang mahalagang langis sa balat. Iwasan din ang sobrang init na tubig sa pagligo.
- Iwasan ang matatapang na sabon. Ang paggamit ng matapang na sabon sa paghuhugas ng balat ay maaaring masyadong marahas. Bukod sa mabilis na pagkawala ng mahalagang langis sa balat, maaaring magdulot din ito ng iritasyon lalo na sa mga sensitibong balat.
- Iwasan ang marahas na pagpunas sa balat. Hindi makabubuti sa balat ang marahas na pagpupunas sa dito kung ito ay basa. Ang pagdadampi ng malambot na tuwalya ay mainam at sapat na.
- Iwasan ang panunuyo ng balat. Kung sakaling matuyo ang balat dahil sa ilang mga bagay, lagyan ito ng mga pinapahid na moisturizer upang mapanatiling malusog ang balat. Alamin ang iba pang paraan para maiwasan ang panunuyo ng balat: 8 Tips para maiwasan ang panunuyo ng balat.
4. Kumain ng mga pagkain na mabuti para sa balat.
Ang mga pagkain na masustansya, lalo na ang mga prutas at gulay na mayaman sa Vitamin C ay makatutulong sa pagpapanatiling masigla at malusog ng balat. Limitahan din ang mga pagkaing may mataas na lebel ng taba, at artipisyal na preservatives. Siyempre pa, mahalaga din na sapat ang iniinom na tubig araw-araw.
5. Bawasan ang stress
Napatunayan na din ng maraming pag-aaral na ang stress ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng ilang mga problema sa balat gaya ng pagtubo ng mga tagihawat. Kaya naman mahalaga din na makontrol ang nararamdamang stress, hindi lamang para mapanatiling masigla ang balat kundi pati na rin sa ikabubuti ng pag-iisip at kabuuang kalusugan ng katawan. Alamin ang mga paraan para maiwasan ang stress: Pagrerelax kontra stress.