6 Mabisang Pambahay na Lunas sa Sinusitis

Hindi kaaya-ayang karanasan ang magkaroon ng sinusitis. Sa kondisyong ito, namamaga ang mga sinus o ang mga air pocket na matatagpuan sa bungo. Dahil dito, naiipon ang mucus at nagdudulot ng pagbabara. Ito ang pangunahing dahilan ng mga sintomas ng sinusitis na katulad ng pananakit ng ulo at ilang bahagi ng mukha, pananakit ng ngipin, pagkakaroon ng dagdag na pressure sa loob ng tainga, pati na rin ang  bad breath.

Sa kabutihang palad, kusa namang nawawala o gumagaling ang sinusitis. Kung sakaling nagdudulot na ito ng matinding discomfort o kaya naman ay naka-aabala na sa pang-araw-araw na pamumuhay, mayroon din namang mga gamot sa sinusitis na katulad ng:

  • decongestants, upang mawala ang pagbabara sa ilong
  • anti-allergy medications, sakaling dulot ng alerhiya ang sinusitis
  • pain relievers, upang mabawasan ang pananakit na dulot ng sinusitis

Marami ring mga pambahay na lunas o home remedy ang puwedeng gawin upang hindi na lumubha at mapabilis ang paggaling ng sinusitis. Ilan sa mga ito ang mga sumusunod:

Uminom ng Maraming Tubig

Para lumabnaw ang mucus at mas madali itong mailabas, makatutulong ang pag-inom ng maraming tubig. Kung maaari, uminom ng isang basong tubig kada isa hanggang dalawang oras. Puwede ring makadagdag sa hydration ang pagkain ng mga makatas na prutas, katulad ng pakwan at peras.

Makabubuti rin kung iiwas sa pag-inom ng alak at kape habang may sinusitis. Ito ay dahil nakaka-dehydrate ang mga inuming ito. Dagdag pa riyan, puwede ring magdulot ng mas matinding pamamaga ng mga sinus ang alcohol.

Basain ang Loob ng Ilong

Kapag tuyo ang loob ng ilong at mga sinus, nagdudulot ito ng mas matinding sinus pressure. Para mabawasan ang pananakit na dulot nito at mas guminhawa ang pakiramdam, siguraduhing may sapat na moisture ang loob ng ilong. Narito ang ilang puwedeng gawin para mapanatiling basa ang loob ng ilong at mga sinus:

  • Gumamit ng humidifier para mapanatiling basa ang hangin na nalalanghap.
  • Magsuob gamit ang isang maliit na palanggana ng mainit na tubig at tuwalya. Italukbong ang tuwalya sa ulo para ma-trap ang singaw o steam na galing sa mainit na tubig at malanghap ito. Mag-ingat upang hindi madikit ang mukha sa tubig at maiwasan ang pagkapaso.
  • Maligo gamit ang mainit-init na tubig para malanghap ang basang hangin.
  • Gumamit ng neti pot para mahugasan at mabasa ang loob ng ilong.
  • Gumamit ng saline nasal spray para mapaluwag ang pagbabara sa ilong.

Siguraduhing gumamit ng malinis na tubig kapag magsusuob o kaya ay gagamit ng neti pot. Kung maaari, distilled water ang gamitin upang matiyak na walang bacteria na puwedeng magpalubha pa sa sinusitis.

Maglagay ng Warm Compress sa Mukha

Isang magandang paraan upang mabawasan ang pananakit ng mukha dulot ng sinusitis nang hindi gumagamit ng gamot ay ang warm compress. Maglagay lamang ng isang bimpo o tuwalya na bahagyang binasa ng maligamgam na tubig at ipatong ito sa mukha. Tiyaking masasakop ng bimpo o tuwalya ang pisngi at mga mata upang mas ganap ang ginhawang maramdaman. Kapag natuyo na o nawala na ang init, basain lamang ulit ang bimpo o tuwalya.

Umiwas sa mga Kemikal, Pabango, at Polusyon

Hindi treatment na maituturing ang pag-iwas sa mga kemikal at pabango, ngunit malaki pa rin ang maitutulong nito sa isang taong may sinusitis. Ito ay dahil naka-iirita ang mga kemikal katulad ng bleach sa ilong. Gayundin, ang mga pabango, lalo na iyong may mga matatapang na amoy, ay maaaring magdulot ng dagdag na iritasyon.

Hangga’t maaari, huwag munang gumamit ng mga bagay na may kemikal na pampbango. Umiwas din sa usok, lalo na iyong galing sa mga sigarilyo at mga sasakyan.

Suminga nang Marahan

Para mabawasan ang paninikip o pagbabara sa ilong, puwedeng subukang suminga. Siguraduhin lamang na gawin ito nang marahan dahil pwedeng makadagdag pa sa pressure sa loob ng ilong ang biglaan at malakas na pagsinga.

Magpahinga at Sikaping Makatulog nang Sapat sa Oras

Panghuli, sikaping magpahinga nang sapat para maging mas mabilis ang paggaling mula sa sinusitis o sa kahit anumang sakit. Mahalaga ang pahinga, lalo na ang pagtulog, upang makabawi ang katawan sa stress na dulot ng pagkakasakit. Nakabubuo rin ng mas maraming white blood cells ang katawan habang natutulog, kung kaya naman mas nalalabanan ng katawan ang mga bacteria at virus na nagdudulot ng sakit at impeksyon.

Kaya nga lamang, puwedeng magdulot ng kahirapan sa pagtulog ang pagbabara ng ilong na dulot ng sinusitis. Upang maiwasan ito, makatutulong ang paggamit ng karagdagang unan para maiangat nang bahagya ang ulo at likod. Sa ganitong posisyon, mas madaling makadadaloy ang mucus at hindi gaanong magbabara ang ilong.

Kung susundin ang mga nabanggit na pambahay na lunas sa itaas, maaaring mawala ang sinusitis sa loob isang linggo. Kung walang nakikitang pagbabago pagkatapos ng higit sa 7 araw, magpakonsulta sa iyong doktor para mabigyan ng tamang diagnosis at gamot. Gayundin, pumunta sa iyong doktor kung makaranas ng mga sumusunod:

  • Mataas na lagnat
  • Paulit-ulit na sinusitis
  • Pagkakaroon ng double vision
  • Panlalabo ng paningin at iba pang pagbabago sa paningin

Para naman makaiwas sa sinusitis, makatutulong ang pagkain ng masustansyang pagkain, pag-iwas sa stress, at pangangalaga sa iyong respiratory system.