Isang malaki at mainit na paksa ang food supplements sa mundo ng kalusugan. Sa katunayan, maraming dalubhasa ang nagsasabi na hindi ito kailangan ng karamihan at minsan ay puwede pa ngang maging mapanganib. Halimbawa, kung nasobrahan ang isang tao sa pag-inom ng vitamin A supplement, may posibilidad na tumaas ang kaniyang risk na magkaroon ng kanser.
Sa kabilang banda, may mga pag-aaral din naman na nagpapatunay na may mga food at nutrition supplement na may tunay na pakinabang, lalo na para sa mga taong may partikular na sakit o kondisyon.
Para sa iyong dagdag na kaalaman, narito ang ilang halimbawa ng mga food supplement na tunay na maaaring makatulong sa iyong kalusugan:
Vitamin D
Kakaunti lamang ang mga pagkain na likas na may taglay na vitamin D. Ilan sa mga ito ang salmon, tuna, sardinas, at dilaw ng itlog. Dahil dito, sadyang mahirap makakuha ng sapat na dami ng nutrient na ito mula sa pagkain lamang. Meron din namang mga produktong fortified ng vitamin D, katulad ng mga breakfast cereal, keso, at gatas, ngunit hindi lahat ng tao ay puwedeng kumain o uminom ng mga ito.
Liban sa pagkain, isa sa pinakamabisang paraan para makakuha ng vitamin D ang katawan ang ay ang pagpapa-araw. Kaya nga lamang, hindi lahat ng tao ay nagagawa ito. Maaaring hindi sila puwedeng mabilad nang matagal sa init ng araw dahil sa sensitivity. May mga tao ring hindi namamalayan na matagal na pala silang hindi nakapagpapa-araw dahil abala sa pagtatrabaho sa loob ng bahay o opisina.
Para sa mga hindi nakakakain ng sapat na pagkaing may vitamin D o hindi nakakakuha ng sapat na exposure sa sikat ng araw, magandang uminom ng vitamin D supplement. Pwedeng makabili nito sa mga botika, o kaya ay mag-search sa internet ng “buy medicine online” para makahanap ng online drugstore na mayroon nito. Hanapin ang ergocalciferol (vitamin D2) o kaya ay cholecalciferol (vitamin D3) dahil ito ang karaniwang pangalan ng mga vitamin D supplement.
Vitamin B12
Mahalaga ang vitamin B12 para sa brain function at sa pagbuo ng mga red blood cell. Sa kasamaang palad para sa mga vegetarian at vegan, matatagpuan lamang ang vitamin B12 sa mga animal-based food, katulad ng atay, ilang uri ng isda, itlog, at beef. Dahil dito, pinapayuhan ang mga sumusunod sa vegetarian at vegan diet na uminom ng B12 supplements.
May mga pag-aaral din na makabubuti sa mga may edad na ang vitamin B12 supplements. Ito ay dahil habang tumatanda, nababawasan ang kakayahan ng tiyan na gumawa ng asidong nagpo-proseso ng vitamin B12 upang mas madali itong ma-absorb ng katawan. Katulad ng vitamin D, may mga pagkain din na minsan ay nilalagyan ng vitamin B12. Subalit, kung hindi madalas kumain o may kondisyon na nagbabawal sa pagkonsumo ng mga pagkaing ito, makatutulong ang pag-inom ng supplement.
Folate
Para sa mga buntis, mahalagang food supplement ang folate, isang uri ng B vitamin na may mahalagang bahagi sa pagbuo ng mga red blood cell at kalusugan ng DNA. Kapag kulang ang babae sa folate, mataas ang posibilidad na magkaroon ng birth defects ang kaniyang sanggol.
Maraming pagkain ang likas na may taglay na folate, ngunit mahirap itong sukatin para matiyak na nakakukuha ng sapat na dami nito ang isang tao. Dahil dito, binibigyan ng reseta ng mga doktor ang mga babaeng nagdadalantao ng folate supplements.
Dietary Fiber
Bukod sa pag-iwas sa constipation o pagtitibi, marami pang naidudulot na kabutihan sa kalusugan ang pagdadagdag ng fiber sa iyong diet. Ayon sa mga pagsasaliksik, nakatutulong ang mataas na intake ng dietary fiber para mapababa ang risk na magkaroon ng iba-ibang sakit katulad ng heart disease, obesity, at diverticulitis. Napapababa rin ng fiber ang dami ng cholesterol sa katawan.
Madali namang makakuha ng fiber mula sa mga pagkain, katulad ng mga prutas, gulay, at whole grain. Gayunpaman, marami pa ring tao ang hindi nakakakuha ng sapat na dami ng fiber ayon sa kanilang kasarian at edad. Sa kabutihang palad, maraming nabibiling dietary fiber supplement katulad ng psyllium sa mga botika.
Omega 3
Para sa mga taong may cardiovascular diseases, malaki ang maitutulong ng pag-inom ng dagdag na omega 3. May mga pag-aaral din na nagpapakita sa kakayahan nito na labanan ang inflammation at mapababa ang cholesterol.
Maraming uri ng omega 3 supplement, katulad ng fish oil. Tiyakin lamang na hindi fish liver oil ang iyong iinumin, dahil masyado itong mataas sa vitamin A at puwedeng magdulot ng overdose. Para naman sa mga vegetarian o vegan, o kaya ay may alerhiya sa isda, magandang pagkunan ng omega 3 ang chia seeds at flax seeds. Puwede itong ihalo sa pagkain o kaya ay inumin bilang soft capsule.
Zinc
Ayon sa mga pag-aaral, malaki ang naitutulong ng zinc para mawala kaagad ang sipon at maibsan ang mga sintomas nito. Kung umiinom ka ng vitamin C supplement, mainam kung pipili ng uri na mayroong dagdag na zinc para lalong mas mapalusog ang immune system.
Sa huli, ang pinakamabisang paraan pa rin upang makakuha ng mga kinakailangang vitamin at mineral ay ang pagkain ng malulusog na pagkain. Subalit, sa pagkakataon na hindi ito maaari buhat ng kung anumang dahilan, magandang malaman na may mga food supplement na puwedeng punan ang pagkukulang na ito.