6 Paraan ng Pag-iwas sa Pagbilis ng Tibok ng Puso (Heart Palpitation)

Ang pagbilis ng tibok ng puso, bukod sa pagiging resulta ng pagkapagod o pagkakaramdam ng matinding emosyon, ay maaaring senyales din ng abnormalidad sa ritmo nito. Sa isang minuto, tinatayang aabot sa 60-100 ang bilang ng normal na tibok ng puso, ngunit sa mga taong nakararanas ng palpitation, maaari itong humigit sa normal na bilang.

Bagaman wala naman seryosong epekto sa kalusugan, ang pagkakaranas nito ay kadalasang nakababahala. Upang maiwasan, narito ang ilang mga tips na maaaring ikonsidera:

1. Limitahan ang iniinom na kape

Image Source: unsplash.com

Ang caffeine na makukuha sa iniinom na kape, gayundin sa tsaa, cola, at mga energy drinks na nabibili sa mga pamilihan ay isang uri ng stimulant na maaaring makapagpataas ng enerhiya. Ngunit para sa ilan na sensitibo sa substansyang ito, maaaring itong magbunsod pagbilis ng tibok ng puso. Umiwas muna o limitahan ang iniinom na kape sa araw-araw kung nararamdaman nakararanas ng epektong pagbilis ng tibok ng puso. Dagdagan ang kaalaman tungkol sa substansyang caffeine: Ano ang caffeine at para saan ito?

2. Itigil ang paninigarilyo

Image Source: www.freepik.com

Ang nikotina sa sigarilyo ay may kaparehong epekto rin tulad ng caffeine sa kape. Makapagpapabilis ito ng tibok ng puso lalo na kung mapapasobra ang dami ng substansyang pumapasok sa katawan. Bukod pa rito, may masasamang epekto rin ang paninigarilyo sa ating kalusugan kaya’t makabubuting itigil nang tuluyan ang paninigarilyo. Basahin ang iba pang masasamang epekto ng paninigarilyo sa ating kalusugan: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.

3. Mag-relax

Image Source: www.freepik.com

Kung napapagod at nakararanas ng stess, i-relax na muna ang isip at katawan. Isa rin kasi sa mga pangunahing sanhi ng pagbilis ng tibok ng puso ay ang pagkabalisa dahil sa sobrang pag-iisip ng mga problema at stress sa buhay. Alamin ang mga hakbang para makapagrelax: Pagrerelax kontra stress.

4. Matulog nang maaga at kumpleto

Image Source: unsplash.com

Ang pagtulog nang maaaga at kumpleto ay isang mahusay na paraan para ibalik sa normal ang ritmo ng tibok ng puso. Sa pagtulog kasi, bumabagal ang pagkilos ng puso kung kaya’t napapahingahan din ang mga kalamnan ng puso. Pagpapahinga ang isa sa mga mahuasy na solusyon na mabilis na tibok ng puso. Basahin ang kahalagahan ng pagtulog sa buhay ng tao: 5 kahalagahan ng pagtulog.

5. Tiyaking sapat ang iron sa mga kinakain

Image Source: en.wikipedia.org

Ang patuloy na pagbilis ng tibok ng puso ay maaaring senyales din ng kakulangan ng iron sa dugo o mas kilala bilang iron deficiency anemia. Kumain ng mga pagkain na mayaman sa iron upang maiwasan ang epektong ito. Basahin ang kahalagahan ng mineral na iron at mga pagkaing mayaman dito: Kahalagahan ng Iron.

6. Iwasan ang pag-inom ng mga pampapayat na gamot

Image Source: www.freepik.com

Maaaring side effect ng mga gamot na pampapayat ang biglaang pagbilis ng tibok ng puso. May ilan kasing substansya sa mga gamot na ito na makakaapekto sa bilis ng pagtibok ng puso. Upang ito ay maiwasan, tiyaking nagagabayan ng doktor ang pag-inom ng mga gamot na pampapayat. Basahin ang mga tips na makatutulong para maiwasan ang sobrang timbang: Tips para maiwasan ang sobrang timbang o obesity.