Hindi na bago sa kaisipan ng mga modernong pamilyang Pilipino na lumipas na ang panahon ng tradisyonal na pagpapalaki sa mga anak. Kung noon ay isang boses lamang ang nagdedesisyon sa isang pamilya at uso pa ang striktong pagdidisiplina sa mga anak, ngayon ay nag-iba na.
Maraming salik ang nakapagpabago sa paraan ng pamumuhay ng modernong pamilya sa ngayon. Bukod sa mga makabagong batas na nagbibigay proteksyon sa mga anak mula sa strikto at malupit na pamamaraan ng pagdidisiplina, ang matinding impluwensya ng teknolohiya sa mga anak ay hindi matatawaran..
Ngunit sa kabila ng pagbabagong ito sa paraan ng pamumuhay ng mga modernong pamilya, may ilan pa ring pamamaraan at stratehiya sa mabuting pagpapalaki ng mga anak ang nananatiling epektibo at ginagamit pa rin magpa sa hanggang ngayon. Ayon sa pagsasaliksik ng mga taga-Harvard University, ang mabuting pagpapalaki sa mga anak ay kailanman hindi magbabago.
Image Source: unsplash.com
Narito ang ilan sa mga subok nang tips sa mabuting pagpapalaki ng mga anak:
1. Bigyan ng oras ang sarili kasama ang mga anak.
Ang mahusay na paggamit ng oras kasama ang mga anak gaya ng simpleng pamamasyal, pagsisimba tuwing linggo, at maging ang pagkain ng sabay-sabay sa hapag, gayundin ang pagpapanatili na may bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak ay mahusay na paraan ng pagtatatag ng pundasyon ng mabuting relasyon sa pagitan ng bawat miyembro ng pamilya. Bukod sa kaalaman na matututunan ng mga anak mula sa mga magulang, ang mga magulang din naman ay marami ring matututunan sa kanilang mga anak gaya ng mga interes, at pag-uugali.
2. Bigyang pansin ang mabubuting katangian ng anak.
Ayon sa pagsasaliksik ng mga dalubhasa, ang mga mabubuting katangian ng mga anak ay himukin sa pamamagitan ng pagbibigay pansin sa mga ito. Ang simpleng pagpuri kapag may nakitang mabuting katangian gaya ng pagtulong sa kapwa, paglilinis ng kagamitan, at pagsisipag sa pag-aaral ay makatutulong nang malaki sa paghuhubog sa mabuting pagkatao ng anak.
3. Gabayan ang anak sa tamang paraan ng pagharap sa mga problema at pagdedesisyon.
Walang mabuting kahihinatnan ang padalosdalos na pagdedesisyon at pagpapairal sa init ng ulo sa pagharap sa mga problema. Makabubuting gabayan ang anak sa tamang paraan ng pagharap sa mga suliraning ito—mula sa pagtukoy sa ugat ng problema, pagsasaaalang-alang ng mga tao at bagay na maaaring maapektohan ng desisyon, hanggang sa mga resultang maaring kahinatnan sa huli.
4. Sanayin ang mga anak sa pagpapakita ng magagandang asal.
Ang pagiging matulungin, magalang, at pagtanaw ng pasasalamat ay ilan lamang sa magagandang asal na dapat ituro sa anak. Ang laging pagpapaalala sa anak ng pagsasabi ng “salamat” at pag-aalok ng tulong kung kinakailangan ay dapat sanayin sa lahat ng oras.
5. Punahin ang mga negatibong pag-uugali
Habang pinupuri ang kabutihang asal ng anak, mangyari din na punahin naman ang mga negatibong pag-uugali. Huwag hayaang masanay ang anak sa mga negatibong asal gaya ng pagiging madamot, tamad, at pagiging galit sa mga simpleng bagay sa pamamagitan ng tamang pagdidisiplina. Kausapin ng mahinahon ang anak at ipaliwanag nang husto kung saan may mali.
6. Ipakita sa anak ang mas malawak na pananaw sa buhay
Ang pagpapahalaga ng anak sa kanyang pamilya ay maaaring palawakin kung ituturo ng magulang sa anak ang iba pang aspeto sa buhay. Mas lalawak ang pananaw ng bata sa buhay kung sa maagang edad pa lamang ay ituturo na ang pagpapahalaga sa kultura, pamayanan, at kaganapan sa sa kanyang kapaligiran.