Ang mga mata ay pinakamahalagang sensory organ ng tao. Kung wala ito, malaki ang mawawala sa kakayanang mabuhay ng isang tao. Kaya dapat lamang na ang mga mata ay mapangalagaan at hindi pababayaan. Narito ang 6 na tips na maaaring magsilbing gabay sa tamang pangangalaga sa kalusugan ng mata:
1. Kumain ng pagkain na mabuti para sa mata.
Image Source: unsplash.com
Ang pagkain ng sapat at masusustansyang pagkain ang pangunahing paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng mata. Ang mga mahahalagang sustansya na kailangan ng mata upang manatiling nasa mabuting kondisy0n ay ang lutein, omega-3 fatty acid, zinc, vitamin A, C at E. Ilang pag-aaral na ang nakapagpatunay sa kahalagahan ng mga sustansyang ito para maiwasan ang mga sakit na maaaring danasin sa pagtanda gaya ng glaucoma, katarata, at macular degeneration.
Ang mga sumusunod na pagkain ay mayaman sa mahahalagang sustansya na kailangan ng mata upang manatiling nasa mabuting kondisyon:
- Mga berde at madahong gulay gaya ng spinach
- Salmon, tuna, at iba pang isda
- Itlog, mga beans, at mani
- Orange, ponkan, at iba pang citrus na prutas
2. Itigil ang paninigarilyo
Image Source: www.freepik.com
Ang paninigarilyo ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng iba’t ibang sakit, hindi lamang sa baga, kundi pati na rin sa mata. Mas mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng katarata at iba pang sanhi ng panlalabo ng mata sa mga taong naninigarilyo.
3. Laging magsuot ng sunglasses
Image Source: www.freepik.com
Sa Pilipinas kung saan mataas at malakas ang sikat ng araw, makatutulong ang pagsusuot ng sunglasses upang maprotektahan ang mata mula sa nakasasamang ultraviolet rays na nagmumula sa araw. Ang sobrang UV rays na nakapapasok sa mata ay maaaring makadagdag sa posibilidad ng pagkakaroon ng katarata at macular degeneration sa mata na maaring humantong sa pagkabulag.
4. Gamitan ng proteksyon ang mga mata
Image Source: unsplash.com
Huwag din kakaligtaan ang pagsusuot ng protective goggles na poprotekta sa mata lalo na kung ang gawain sa trabaho ay maaaring makapinsala sa mata. May ilang sports din na maaaring makaapekto sa mata kung kaya’t makabubuti ang pagsusuot ng helmet at pangharang sa mata.
5. Iwasang magbabad sa telebisyon at computer
Image Source: www.freepik.com
Ang pagtingin nang matagal sa computer at telebisyon ay maaaring magdulot ng ilang mga kondisyon na maaaring makasasama sa mata gaya ng sumusunod:
- Eyestrain o pagkapagod ng mga mata
- Panlalabo ng paningin
- Panunuyo ng mata
- Pananakit ng mata
Upang maiwasan ang mga epektong ito, mabuting dumistansya mula sa screen ng telebisyon o computer, at bigyan din ang sarili ng sapat na pahinga sa paggamit ng mata.
6. Regular na bumisita sa doktor
Image Source: www.carmelmountainvisioncare.com
Anuman ang edad at kasarian, kinakailangan ang regular na pagbisita sa ophthalmologist o espesyalista sa mata. Mahalaga ito upang agad na matukoy ang mga unang senyales ng magkakaroon ng sakit sa mata upang agad na malunasan bago pa lumala.