7 Mga Sakit at Kondisyong Uso Ngayong Tag-init

Ngayong panahon ng tag-init, huwag maging kampante. Maaaring lumipas na ang mga sakit na dala ng malamig na panahon ngunit huwag kalilimutan na nariyan naman ang banta ng mga sakit na talamak naman ngayong tag-araw. Huwag hayaang masira ang mga planong bakasyon ngayong summer. Alamin kung anu-anong mga sakit ang uso ngayong tag-init na dapat iwasan. Maging maagap, maging alisto ngayong tag-init!

1. Bungang Araw

Ang bungang araw ay ang kondisyon ng pagkakaroon ng mga butlig-butlig sa balat at pakiramdam na maaaring mahapdi o makati. Ito ay dahil sa mga nagbarang labasan ng pawis dulot ng dumi at mga bacteria. Pinaka-uso ang kondisyong ito sa mainit o maalinsangang panahon. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulo tungkol sa bungang araw.

2. Sunburn

Ang sunburn o pagkasunog ng balat dahil sa tindi ng init ng araw ay usong-uso rin sa panahon ng tag-araw. Ito ay mas lalong madalas sa mga indibidwal na nagbabakasyon sa mga beach at sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw na walang proteksyon gaya ng sunblock. Huwag itong babalewalain sapagkat maaari itong humantong sa mas malalang kondisyon na skin cancer. Para sa karagdagang kaalaman, basahin ang artikulo tungkol sa sunburn.

3. Heatstroke

Isa sa mga pinaka nakababahalang kondisyong maaaring maranasan dahil sa sobrang init na panahon ay ang heatstroke. Ang sobrang pagtaas ng temperatura ng katawan ay makaaapekto ng husto sa maaayos na paggana ng mga sistema sa katawan lalo na sa utak. Maaari itong magdulot ng pagpalya ng ilang organ sa katawan, pagkawala ng malay-tao, at ang pinaka malala, ay kamatayan. Basahin ang artikulo ukol sa heatstroke.

4. Dehydration

Higit na bumibilis ang pagkawala ng tubig sa katawan sa panahon ng tag-init. Dahil dito, mas tumataas rin ang kaso ng dehydration lalo na sa mga nagpapabaya. Ang dehydration ay isa ring seryosong kondisyon na kung mapapabayaan ay maaaring makamatay. Magbasa pa sa artikulo ukol sa dehydration at alamin din ang mga hakbang para ito ay maiwasan.

5. Pagkahilo sa biyahe

Dahil marami ang nagbabakasyon sa malalayong lugar sa panahon ng tag-init o summer, hindi rin maiiwasang may mga nakararamdam ng pagkahilo sa byahe o motion sickness. Ito ang pagkakaranas ng matinding pagkahilo, pagsusuka, pagliliyo, at pananakit ng ulo. Alamin kung paano ito maiiwasan sa artikulo ukol sa pagkahilo sa byahe.

6. Fungi sa balat

Ang mga sakit sa balat tulad ng an-an, buni, at hadhad na dulot ng impeksyon ng fungi sa balat ay maaaring mauso rin sa panahon ng tag-init. Dahil sa init ng panahon, ang mga fungi na nagdudulot ng mga sakit na ito ay madaling kumakalat sa balat na mamasa-masa sa pawis.

7. Pagkalason sa pagkain

Tumataas din ang posibilidad ng pagkakalason sa mga pagkain o food poisoning. Dulot pa rin ng mainit na panahon, mas mabilis dumami ang bacteria sa mga pagkaing napapabayaan. Kung ito ay mapapabayaan at mahahayaang makain, maaari itong makalason at magdulot ng pananakit ng tiyan, pagsusuka o pagtatae.