8 na Gamot na Dapat Laging nasa Bahay

Walang pinipiling panahon ang pagkakasakit at mga aksidente. Kaya naman mabuting palaging mayroong nakahandang first aid kit sa bahay upang may magamit ang pamilya sa oras ng pangangailangan.

Mabuti na lamang at madaling makabili ng mga de-kalidad na mga gamot at medical supply sa murang halaga mula sa mga mapagkakatiwalaang botika katulad ng The Generics Pharmacy. Siguraduhin lamang na itago sa tamang paraan ang mga pharmaceutical products para mapanatili ang bisa ng mga ito kahit matagal na naka-imbak. Dapat ring bantayan ang expiration date ng mga produkto upang hindi mainom o magamit ang mga expired na gamot.

Narito ang ilan lamang sa mga gamot na dapat ay palaging mayroon sa inyong first aid kit sa bahay:

Gamot sa Alerhiya

Kung ikaw o sinuman sa inyong pamilya ay mayroong anumang uri ng alerhiya o allergy, dapat lamang na mayroong antihistamine na puwedeng magamit sa anumang oras.

Mayroong dalawang uri ng gamot para sa alerhiya: drowsy at non-drowsy. Ginagamit ang drowsy na uri ng antihistamine bago matulog, upang hindi makagambala ang alerhiya sa pagpapahinga. Samantala, mas mabuting gamitin ang non-drowsy antihistamine sa umaga kung kailangang pumasok sa eskwela o opisina.

Mainam rin ang eyedrops para maibsan ang pangangati o pagluluha ng mga mata, na pangkaraniwang mga sintomas ng alerhiya.

Gamot na Pampababa ng Lagnat

Kapag nilalagnat ang isang tao, ibig sabihin nito ay may bacteria o virus na nagdudulot ng impeksyon. Para tuluyang mawala ang lagnat, dapat ay mawala rin ang sanhi ng impeksyon. Gayunpaman, puwede ring uminom ng mga gamot na pampababa ng lagnat para mas maging komportable ang pakiramdam.

Ilan sa mga gamot na puwedeng gamitin na pampababa ng lagnat ang paracetamol, ibuprofen, at acetaminophen. Mainam din ang aspirin, at ang maganda sa gamot na ito ay puwede rin itong makatulong sa atake sa puso. Tandaan lang na may mga taong sensitibo o may alerhiya sa aspirin, kaya hindi ito dapat basta-bastang ibinibigay kung hindi alam ang tiyak na medical history ng pasyente. Hindi rin dapat bigyan ng aspirin ang mga batang wala pang 18 taong gulang.

Mga Pain Reliever

Maraming puwedeng sanhi ang pananakit na nararamdaman ang isang tao. Marahil ay nakararanas siya ng muscle cramps, o kaya naman ay nabugbog ang isang bahagi ng katawan at nagkaroon ng pasa. Marami ring nakararanas ng pananakit ng ulo dahil sa stress at pananakit ng ngipin dahil sa hindi tama o sapat na dental care.

Anuman ang dahilan ng pananakit, makatutulong ang pag-inom ng pain reliever para gumanda ang pakiramdam. Ang mga nabanggit na gamot sa itaas—paracetamol, ibuprofen, at acetaminophen—ay mga pain reliever na madaling mahanap sa mga botika, generic man o branded. Kung patuloy ang pananakit kahit uminom na ng gamot o kung magtagal pa ito higit pa sa 1 linggo, magpakonsulta na sa doktor para mabigyan ng tamang diagnosis at gamot.

Gamot sa Ubo at Sipon

Kasama sa mga pinaka-karaniwang sakit na nararanasan ng mga bata at matatanda ang ubo at sipon. Madalas pa nga ay nagkakasabay ang dalawang sakit na ito. Kung kaya naman, dapat ay palaging mayroong stock ng iba-ibang uri ng gamot para sa ubo at sipon sa bahay. Lalong mahalaga ang mga ito para sa mga may kasamang bata.

Batay sa uri ng ubo o sipon, may kaukulang gamot na dapat inumin. Ang nasal decongestant ay para sa baradong ilong, samantalang ang antihistamine ay para mapahinto ang pagbahing at pagdaloy ng sipon. Sa ubo naman, may tinatawag na antitussive o cough suppressant para mapigilan ang sobrang pag-ubo. Ang mga expectorant naman ay nagpapaluwag ng plema sa baga para madaling mailabas.

Mga Anti-Diarrheal

Mahalaga rin ang pag-iimbak ng anti-diarrheal na gamot, lalo na kung may mga sanggol o bata sa bahay. Mas madalas at mas mabilis kasi silang maapektuhan ng diarrhea o katulad na sakit. Gayundin, hindi pa marunong o sanay ang mga sanggol o bata na pigilan ang pakiramdam ng pagdumi.

Tandaan na may mga over-the-counter (OTC) at prescription na gamot laban sa diarrhea. Kasama sa mga OTC na anti-diarrheal ang loperamide at bismuth subsalicylate. Kailangan naman ng reseta ng mga gamot na katulad ng rifaximin at nitazoxanide dahil panlaban ang mga ito sa mga organismo katulad ng bacteria at protozoa.

Mga Maintenance Medication

Kung may kasama sa bahay na may chronic condition katulad ng diabetes at hika, mahalagang palaging may imbak na gamot para sa mga ito. Mas mabuti kung may sobra o reserba, lalo na sa mga pagkakataong may emergency katulad ng bagyo o lindol. Ito ay para siguradong tuluy-tuloy ang pag-inom ng gamot at hindi lumala ang kondisyon sakaling hindi makalabas para bumili o magkulang ang supply mula sa mga botika.

Lotion o Ointment Para sa Pangangati

Para sa alerhiya at iba pang sanhi ng pamamantal at pangangati ng balat, makatutulong ang calamine lotion at iba pang pamahid para mabawasan ang irritation. Mas mahalaga ang ganitong klaseng gamot para sa mga bata, upang hindi nila kamutin ang kanilang balat at mauwi sa pagkakaroon ng sugat.

Puwede ring gumamit ng cold compress o cold pack para mabawasan ang nararamdamang pangangati ng balat. Ang maganda pa rito ay marami pang ibang puwedeng paggamitan ang cold compress. Halimbawa, pwedeng lapatan ng cold compress ang na-strain na kasukasuan para mabawasan ang pamamaga nito.

Antibacterial Ointment at mga Gamit Pang-First Aid sa mga Sugat

Pangkaraniwang nagaganap sa bahay ang mga maliliit na injury katulad ng sugat. Para hindi mauwi sa impeksyon, makabubuting palaging handa ang wound first aid sa bahay. Ilan sa mahahalagang supplies na panlinis at panggamot sa mga sugat ang antibacterial ointment, saline solution, adhesive bandage, at gauze.

Pagdating sa usapang kalusugan, mabuting maging palaging handa upang hindi lumala ang mga minor injury at iba pang sakit o kondisyon, kaya tiyaking mayroong stock sa inyong bahay ng mga gamot na nabanggit sa itaas.