Ang arthritis ay tumutukoy sa kondisyon kung saan nakararanas ng pananakit sa kasukasuan dahil sa implamasyon ng mga bahaging nananakit. Ang implamasyon o pamamaga ay maaaring dulot ng ilang mga bagay kabilang na ang mga pagkaing kinakain. Kaya naman, mahalaga na ikonsidera ang mga pagkaing kakainin lalo na kung nasa kalagitnaan na ng pananakit ng mga kasukasuan, nang sa gayon ay hindi na lumala pa ang nararanasang kondisyon.
Narito ang ilan sa mga pagkaing dapat iwasan sa panahon ng pananakit ng ilang bahagi ng katawan dahil sa arthritis:
1. Asukal at Refined Carbohydrates
Ang mga matatamis na pagkain na may mataas na lebel ng asukal, pati na ang mga pagkaing refined carbohydrates gaya ng puting tinapay, regular na kanin, at mga instant mashed potato ay pareparehong nakakapagpataas ng advanced glycation end (AGE). Ang AGE naman ay nakakapagpalala ng implamasyon sa katawan kung kaya’t mas titindi lamang ang pananakit na mararanasan kung kakain ng mga ito kasabay ng atake ng arthritis. Basahin ang iba pang posibleng masamang epekto ng sobrang asukal sa pagkain: Masasamang epekto ng sobrang asukal.
2. Produktong Gatas (keso, mantikilya)
Taglay ng mga produktong gatas ang ang ilang uri ng protina gaya ng casein. Ang protinang casein ay maaaring makapagpasimula ng implamasyon sa katawan at makapagpagrabe ng kondisyon ng arthritis. Iwasan ang mga produktong gatas lalo na kung may allergy dito.

3. Pritong pagkain (French Fries, Fried Chicken)
Napatunayan ng isang pag-aaral Mount Sinai School of Medicine na ang pag-iwas sa mga pagkaing prito ay makatutulong na mabawasan ang pagkakaranas ng pamamaga sa ilang bahagi ng katawan gaya na lang ng arthritis. Mas lalakas din ang depensa ng katawan laban sa ilang mga bagay na nakapagdudulot din ng implamasyon.
4. Inihaw na pagkain
Ang mga inihaw na pagkain ay nagkakaroon din ng mga advanced glycation end (AGE) na makakapagpalala sa kondisyon ng arthritis. Mabuting iwasan ang mga inihaw na pagkain lalo na kung inaatake ng pananakit sa mga kasukasuan.

5. Alak
Ang alak ay maraming masamang naidudulot sa kalusugan lalo na kung sobra ang iniinom. Isa sa mga maaaring maapektohan nito ay ang atay na tumutulong nang malaki sa pagkontrol ng implamasyon sa katawan. Kung masisira ang atay dahil sa pag-inom nang alak, mas mapapadalas ang pananakit na mararanasan dahil sa implamasyon. Basahin ang masasamang epekto ng sobrang alak sa kalusugan: Masasamang epekto ng sobrang alak sa katawan.
6. Corn oil
May ilang mga pagkain na ginagamitan ng corn oil sa pagluluto, ngunit sa kasamaang palad, maaari din itong makapagpagrabe sa kondisyon ng arthritis. Taglay kasi ng corn oil ang omega-6 fatty acids na maaaring makapagpasimula ng atake ng arthritis.

7. Maalat na pagkain
Ang asin sa maaalat na pagkain ay nakapagpapasimula din ng atake ng arthritis para sa ilang mga indibidwal. Mahalaga na agapan na kaagad ang lahat ng posibleng makapagpasimula ng arthritis hanggat maaari. Alamin rin ang iba pang masasamang epekto ng sobrang asin sa pagkain: Masasamang epekto ng sobrang alat na pagkain.
8. Pagkain na may MSG
Tulad din ng asin, ang pampalasang monosodium glutamate o MSG ay maaari ding makapagpasimula ng atake ng arthritis. Mabuting iwasan muna ang mga Chinese food at mga sitsirya na may mataas na taglay na MSG. Dagdagan ang kaalaman tungkol sa MSG: Ligtas bang gamitin ang vetsin?
