8 Pagkain na nakakapagpababa ng Cholesterol

Ilang mga karamdaman ang maiuugnay sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng nakakasamang cholesterol (bad cholesterol) sa katawan. Kung ito ay mapapabayaan, hindi malayong dumanas ng mga seryosong kondisyon gaya ng atake sa puso, stroke, at altapresyon. Upang maiwasan ang masasamang epektong ito, makabubuting idagdag sa pang-araw-araw na kinakain ang mga pagkaing nakakapagpababa ng cholesterol.

1. Oat meal

Image Source: www.freepik.com

Isa sa mga pinakakaraniwang paraan ng pagpapababa sa mataas na lebel ng nakakasamang cholesterol sa katawan ay ang pag-aalmusal ng oatmeal sa bawat umaga. Ang fiber na taglay ng oatmeal ay nakatutulong na harangin ang karagdagang cholesterol na pumapasok sa katawan.

2. Bawang

Image Source: unsplash.com

Bukod sa pagiging natural na antibiotic at nagpapababa ng presyon ng dugo, ang bawang din ay mabisang nakakabawas ng masamang cholesterol sa katawan. Ayon sa ilang pagsasaliksik, may epekto ang bawang na mabawasan ang pagbabara sa mga ugat dulot ng namuong cholesterol. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa bawang: Halamang Gamot Bawang.

3. Omega-3 fatty acid

Image Source: www.nordicnaturals.com

Ang omega-3 fatty acid ay ang langis na makukuha mula sa mga taba ng isda. Pinapababa nito presyon ng dugo, gayundin ang pagbabara sa mga ugat. Ang mga isda na mayaman sa omega-3 fatty acid ay mackerel, salmon, tuna, at sardinas.

4. Abukado

Image Source: unsplash.com

Ang prutas na abukado ay mayaman sa ilang mga sustansya pati na sa monounsaturated fatty acids (MUFA).  Ang mufa ay may bisa rin na nakakapagpababa ng bad cholesterol sa katawan. Sa halip na mga sitsiryang may mataas na saturated fat, mabuting kumain na lamang ng abukado na mayaman sa MUFA. Basahin ang iba pang benepisyo na makukuha sa abukado: Halamang Gamot Abukado.

5. Nuts (mani, walnut, almond, pistachio)

Image Source: unsplash.com

Ang mga nuts gaya ng mani, walnut, almond at iba pa ay paboritong kainin ng maraming Pilipino lalo na sa pagpapalipas ng oras. Ang mga ito ay mayaman sa mono- at polyunsaturated fatty acids na epektibong lumalaban sa pagbabara ng cholesterol sa mga ugat na daluyan ng dugo.

6. Olive oil

Image Source: www.freepik.com

Ang olive oil ay mayaman din sa MUFA na may mabuting epekto sa pagpapababa ng nakakasamang cholesterol sa katawan. Ang paggamit ng 2 kutsara ng olive oil sa halip na karaniwang mantika ay makapaghahatid ng benepisyo sa puso.

7. Dark Chocolate

Image Source: unsplash.com

Ang natural na tsokolate ay mayaman sa antioxidant at good cholesterol na parehong may mabubuting epekto sa kalusugan ng tao. Ang good cholesterol o high-density lipoprotein (HDL) ay nakakapagpababa sa panganib na hatid ng bad cholesterol o low-density lipoprotein (LDL).

8. Red wine

Image Source: unsplash.com

Ang regular na pag-inom sa red wine ay nakakaapekto rin sa lebel ng cholesterol sa katawan. Ayon sa isang pag-aaral, kayang pababain nang 12% ang masamang cholesterol o LDL sa katawan kung regular na iinom ng red wine.