Kamakailan lamang, pumutok ang balita tungkol sa ilegal na pamimigay ng 2,000 na gamot na ActRx TriAct sa ilang pampublikong ospital para sa clinical trial nito. Tinagurian itong “breakthrough drug” laban sa dengue noong nakalipas na buwan, ngunit pinatitigil ng Department of Health (DOH) ang implementasyon ng clinical trial sapagkat hindi pa ito aprubado ng Food and Drug Administration.
Ayon sa pahayag ng Acting Health Secretary na si Janette Garin, ang sinasabing breakthrough drug ay walang legal na basehan para ipamigay sa publiko para sa clinical trial nito sapagkat nananatili itong hindi aprubado ng FDA. Ang isinagawang hakbang ng DOH sa pahintulot ni Secretary Enrique Ona pati na ang mga mananaliksik ng nasabing gamot ay maituturing na unethical. Dahil dito, sinuspinde ni Sec. Garin ang sinasagawang clinical trial ng gamot na aprubado ni Sec. Ona noong Sept. 4, 2014.
Napag-alaman din na ang ActRx TriAct ay pinamigay din noong taong 2012 sa Palawan upang pang-gamot sa sakit na malaria. Mariin din itong tinutulan ng DOH sa ilalim ni Sec. Garin at sinabing, “the 2012 malaria study lacks strong scientific merit and study participants were not afforded their due protection [ang isinagawang pag-aaral sa sakit na malaria noong 2012 ay walang pang sapat na kasigurohan at wala ring karampatang proteksyon na naibigay sa mga taong tumanggap ng gamot.”
Dagdag pa rito, hindi rin daw sumunod sa tamang hakbang ang isinagawang clinical trial sa San Lazaro Hospital para sa gamot sa dengue, at gumamit pa ng tao para sa eksperimento. Hindi pa rin daw sapat ang mga pag-aaral sa mga gamot na bumubuo sa ActRx TriAct para makagamot sa sakit na dengue.
Ang ActRx TriAct ay binubuo ng kombinasyon ng tatlong gamot na Artemether (ini-ispray sa dila) at mga tabletang gamot na Artesunate at Berberine. Sa pahayag ng DOH, kailangan daw munang isailalim sa hustong pag-aaral ang bawat gamot na kabilang sa kombinasyon, at matukoy kung ang mga ito ay ligtas nga bang gamitin at epektibo, bago ipamigay sa mga tao.