Ang panahon ng adolescence ay isang bahagi sa buhay ng tao kung kailan nagaganap ang pinakamalaki at pinakamabilis na mga pagbabago sa maraming aspeto ng pagkatao. Ang mga pagbabagong ito ay napakahalaga at tiyak na makaaapekto sa buhay ng isang indibidwal at sa pakikitungo niya sa lipunan na kanyang ginagalawan. Sa panahong ito din pinakamabilis na nahuhubog ang personalidad, mga kakayanan at kaalaman, at pag-angkop sa mga kaganapang emosyonal.
Kailan nagaganap ang mabilis na pagbabago ng pagkatao?
Walang ispesipikong panahon na maiuugnay kung kailan magaganap ang mabilis na pagbabago sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ang panahon ng mga pagbabagong pisikal, emosyonal, sekswal, at sa iba pang apeto ay naiiba-iba sa bawat tao. Ang edad ay isa lamang sa maaaring pagbasehan ng pagsisimula ng mga pagbabago sapagkat ang kultura ng isang lipunan na kinabibilangan at ang pakikisalamuha sa iba pang indibidwal ay mga salik din sa pagtupad ng mga pagbabago sa pagkatao.
Image Source: thompsontee.com
Ano ang mga pagbabagong pisikal na nagaganap sa panahong ito?
Isa sa mahahalagang pagbabago na nagaganap sa adolescence period ay ang pagbabago sa hubog ng pangangatawan ng isang indibidwal mula sa pagiging bata patungo sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga. Ang mga panahong ito na tinatawag din na puberty stage ay binubuo ng mga sumusunod na pagbabagong pisikal:
- Pagtubo ng mga buhok sa ilang bahagi ng katawan gaya ng kilikili, mukha na partikular sa mga kalalakihan, at sa maseselang bahagi ng katawan sa parehong kasarian.
- Mabilis na pagtangkad
- Paglapad ng balikat sa mga kalalakihan, at balakang sa mga kababaihan.
- Paglalim ng boses ng mga kalalakihan
- Paglaki ng dibdib ng mga kababaihan
- Pagsisimula ng menstrual cycle o buwanang dalaw sa mga kababaihan
Ang mga pagbabagong ito ay dulot ng pagtaas ng mga lebel ng hormones: testoserone sa mga lalaki, at estrogen sa mga babae.
Ano naman ang mga pagbabago sa mentalidad ng bawat indibidwal sa panahong ito?
Malaki rin ang pagbabago sa kaisipan ng bawat isa sa panahong ito na maiuugnay din sa pagbabago sa lebel ng hormones sa katawan. Dahil dito, maaaring magbago ang kakayanan ng isang tao sa pagdedesisyon, pagpaplano sa buhay, emosyon sa bawat kaganapan sa buhay, at mga bagay na ikaliligaya. Sa madaling salita, maaaring magkaroon ng mga pagbabago sa personalidad ng isang tao sa panahong ito.
Pagbabago sa pakikisalamuha (social), at paraan ng pag-iisip (psychological)
Ang pagbabago sa lebel ng hormones at mentalidad ng isang tao ay maaaring makaapekto rin sa mga pagbabago sa pakikisalamuha at paraan ng pag-iisip ng isang tao. Nagbabago ang kakayanan ng isang tao na matuto ng mga bagong kaalaman at kakayanan, gayundin ang pagbibigay ng rason, lohika, at maging pananaw sa buhay. Ang impluwansya ng kultura at lipunan ay mahalagang salik din sa pagbabagong ito.