Alternatibong gamot para sa altapresyon

Ang altapresyon, o mas kilala ng marami bilang “high blood”, ay isa sa mga pinakakaraniwang kondisyon na nararanasan ng maraming tao, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Ito ay maaaring magdulot ng ilang mga sintomas na kapansin-pansin, gaya ng pagkahilo, pagsusuka, at pag-init na pakiramdam. Kung mapapabayaan, ito ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng mga seryosong kondisyon gaya ng stroke, atake sa puso, at karamdaman sa bato.

Ang paggagamot sa kondisyon ng high blood ay madali lang naman sa tulong ng ilang mga gamot gaya ng ACE Inhibitors, diuretics, beta-blockers, calcium channel blockers, alpha blockers, at iba pa. Ngunit bukod sa mga gamot na nabanggit, may iba pang alternatibong gamot na ligtas, natural, at madaling mabili sa mga pamilihan ang maaaring ikonsidera upang mapigil ang delikadong sakit.

1. Bawang

Image Source: unsplash.com

Isa sa mga pinakakilala at pinakakaraniwang ginagamit na alternatibong gamot para sa altapresyon ay ang bawang. Ang taglay na kemikal ng bawang ay nakatutulong na pababain ang mataas na presyon ng dugo. Kadalasan, ang hiniwang bawang ay nilalagay lamang sa ilalim ng dila sa loob ng ilang minuto, habang ang iba nama’y dinidikdik at pinipiga sa dila ang katas. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa bawang: Halamang Gamot: Bawang.

2. Sabaw ng buko

Image Source: www.freepik.com

Ang sariwa at matamis na sabaw ng buko na karaniwan ding mabibili sa mga pamilihan, at minsan nga’y nilalako pa malapit sa tahanan, ay epektibo ring panlunas sa kondisyon ng altapresyon. Ang mga mineral na natural na nakukuha sa sariwang sabaw gay a ng magnesium at potassium ay makatutulong nang husto laban sa mataas na presyon ng dugo. Inumin ito gaya lang ng karaniwang tubig. Alamin ang iba pang benepisyong makukuha sa niyog: Halamang Gamot: Niyog.

3. Salabat

Image Source: www.freepik.com

Ang salabat o pinaglagaan ng luya ay kilala ring gamot para sa altapresyon. Ang maanghang at matapang na lasa ng luya sa salabat ay puno ng ilang mga kemikal rin na epektibong makatutulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Basahin ang iba pang benepisyo sa luya: Halamang Gamot: Luya.

4. Celery/Kintsay

Image Source: medium.com

Ang matapang na lasa ng kintsay o celery ay may taglay na mga kemikal gaya ng 3-N-butylphthalide na epektibo pa rin sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Ang gulay na celery ay maaaring kainin ng hilaw o isahog sa vegetabol salad para mapakinabangan ang mabisang kemikal. Alamin ang iba pang benepisyong makukuha sa celery: Halamang Gamot: Celery.

5. Dark Chocolate

Image Source: unsplash.com

Bukod sa antioxidants na taglay ng dark chocolate na tumutulong para maiwasan ang pagkasira ng maraming cells sa katawan, ang flavonoids na taglay din nito ay mabisa rin para naman matulungan ang pagbagsak ng presyon ng dugo. Alamin ang iba pang benepisyong makukuha sa tsokolate: Halamang Gamot: Cacao.

6. Gumamela

Image Source: unsplash.com

Ang bulaklak ng gumamela ay kilalang-kilala ng marami sa atin sapagkat karaniwan itong tanim sa mga bakuran o harap ng bahay. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, ang bulaklak ng gumamela ay mabisang panlaban sa mataas na presyon ng dugo. Ang gumamela kasi ay isang natural na diuretic na may kakayanang sipsipin ang sobrang sodium sa katawan at ilabas ito kasama ng ihi. Bukod pa rito, ang ilang kemikal na taglay ng gumamela ay may bisa rin tulad ng mga gamot laban sa altapresyon na nabibili sa mga butika. Ang bulaklak ng gumamela ay maaaring patuyuin at ilaga upang mainom. Basahin ang iba pang benepisyo sa halamang gumamela: Halamang Gamot: Gumamela.

7. Buto ng sunflower

Image Source: unsplash.com

Ang mga buto ng sunflower ay likas na mayaman sa ilang mga mineral gaya ng magnesium na may kakayanang pababain rin ang konsentrasyon ng sodium sa dugo. Dahil dito, ang simpleng pagkain lang sa mga buto ng sunflower (walang asin) ay makatutulong din na pabagsakin ang nararanasang altapresyon. Alamin ang iba pang benepisyo na makukuha sa sunflower: Halamang Gamot: Sunflower.