Alternatibong gamot para sa hirap sa pag-ihi

Ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi o fluid retention, o dysuria sa terminong medikal, ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ng sinumin. Kadalasang pagkakatayo o pagkakaupo nang matagal, pati na ang pagpipigil ng ihi ang itinuturong dahilan ng pagkakaranas nito. Ngunit ayon sa mga siyentipikong pag-aaral, may koneksyon ang hirap sa pag-ihi sa pagkakaroon ng altapresyon, karamdaman sa atay, at sakit sa puso.

Ang ganitong sakit ay masosolusyonan sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na diuretics na nirereseta ng doktor. Ngunit bukod sa mga inireresetang gamot, may ilan din namang pagkain at inumin na mga natural na diuretics na makatutulong din sa kondisyon.

1. Kape

Ang lahat ng inuming may caffeine ay makatutulong na padaliin ang pag-ihi. Ito’y sapagkat ang caffeine ay isang uri ng natural na diuretic. Isa sa mga natural at may pinakamataas na mapagkukunan ng caffeine ay ang inuming kape.

2. Tsaa

Bagaman hindi sintaas ng caffeine sa kape, ang tsaa ay natural ding mapagkukunan ng substansyang caffeine na makatutulong sa kondisyon ng pag-ihi. Ang maganda pa nito, ang tsaa ay napatunayan nang may taglay na antioxidants na mabuti para sa kalusugan.

3. Pinya

Ang masabaw at masustansyang prutas na pinya ay may epekto rin sa pagpapadali ng pag-ihi. Ito ay natural na diuretic at mayaman sa fiber at ilan pang bitamina na kinakailangan ng katawan. Tumutulong din ito na linisin ang digestive tract.

4. Letsugas

Ang ilang madadahong gulay gaya ng letsugas (lettuce) ay natural na diuretic na mabisa para sa para sa kondisyon ng dysuria. Bukod sa epektong ito, mayaman din sa mga mahahalagang mineral ang letsugas tulad ng manganese, potassium, iron, calcium at phosphorus.

5. Bawang

Ang bawang, bukod sa pagiging natural na antibiotic, ay kilala ring nakakapagpababa ng presyon ng dugo. Ngunit bukod sa mga ito, ang bawang ay nakatutulong din sa pagpapadali ng pag-ihi. Pinaka-epektibo ito kung kakainin nang hilaw.

6. Pakwan

Ang matubig na prutas na pakwan ay kilala rin bilang natural at mabisang diuretic. Mayroon din itong malakas na uri ng antioxidant na nilalabanan ang nakakasamang free radicals.

7. Celery

Ang masustansyang gulay na celery o kintsay ay nakatutulong din sa panunumbalik sa normal ng pag-ihi. Mayaman din ito sa Vitamin K, C, B6, at A, bukod pa sa mga mineral gaya ng calcium, phosphorus, magnesium, at manganese.

8. Pipino

Ang pipino ay may mabuting epekto din para sa pagsasaayos ng daloy ng ihi. Ayon pa sa mga pag-aaral, ang pipino ay tumutulong na tunawin ang mga namumuong uric acid na nagdudulot naman ng pagkakaroon ng bato sa kidney.

9. Citrus fruits

Ang mga citrus fruits gaya ng kalamansi, suha, ponkan, dalanghita, dayap, at marami pang iba ay kilala sa pagiging mayaman sa Vitamin C. Ngunit bukod dito, ang mga prutas na ito ay natural din na diuretic.

10. Sabaw ng buko

Pilipinas ang pangalawa sa may pinakamataas na produksyon ng buko sa buong mundo. Kaya naman, bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pag-inom ng buko, hindi lamang bilang pamatid uhaw, kundi bilang gamot sa mga kondisyon na may koneksyon sa pag-ihi gaya ng UTI at balisawsaw.