Alternatibong gamot para sa impeksyon ng fungi sa balat

Ang balat ng tao ang pangunahing depensa ng katawan laban sa lahat ng uri ng mikrobyo at organismo na maaaring makapagdulot ng sakit. Ngunit may mga pagkakataon na mismong ang balat ang siyang inaatake ng sakit. Kabilang sa mga madalas na nakapagdudulot ng kondisyon sa balat ay ang mga fungi. Ito ay isang organismo na kauri ng amag at kabute. Sa balat ng tao, ang fungi ay makapagdudulot ng iba’t ibang sakit gaya ng an-an, buni, hadhad, alipunga, at iba pa na may sintomas na pangangati, pangangapal ng balat, pagkakaroon ng mga patse-patse, at iba pang abnormalidad.

Upang matulungan ang kondisyon ng impeksyon ng fungi sa balat, maaaring gumamit ng mga gamot na antifungal tulad ng ketoconazole, miconazole, o fluconazole. Ngunit bukod sa mga ito, mayroong pang mga alternatibong gamot na maaaring magamit kontra sa impeksyon ng fungi.

Image Source: www.medicalnewstoday.com

1. Suka

Ang maasim na suka ay may epekto sa impeksyon ng fungi sa balat ng tao. Ang antimicrobial na katangian ng substansyang suka ay epektibong makapupuksa sa namumukadkad na fungi sa balat.

Paano ito gamitin? Ihalo ang 2 kutsara ng suka sa isang tasang maligamgam na tubig at ipahid sa apektadong balat. Ulitin ito nang ilang araw hanggang sa lumabas ang resultang inaasam.

2. Bawang

Kilala ang pampalasang bawang bilang natural na antibiotic. Bukod sa mga impeksyon ng bacteria sa loob ng katawan, makatutulong din ang katas ng bawang sa impeksyon naman ng fungi sa balat. Basahin ang iba pang benepisyo sa kalusugan ng bawang: Bawang.

Paano ito gamitin? Ipahid o ipantapal sa apektadong balat ang dinikdik na sariwang bawang. Hayaan ito nang 30 minuto upang masipsip ng balat ang substansya ng bawang bago hugasan gamit ang maligamgam na tubig.

3. Langis ng niyog

Ang fatty acids na taglay ng langis ng niyog ay kilalang mahusay din na panlunas sa impeksyon ng fungi sa balat. Kaya nitong puksain ang dumadaming fungi sa balat hanggang sa tuluyan na itong mawala. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa niyog: Niyog.

Paano ito gamitin? Ipahid nang direkta ang langis ng niyog sa apektadong balat at hayaan lamang itong matuyo nang kusa. Ulitin hanggang sa lumabas ang ninanais na resulta.

4. Tsaa

Ang ilang substansyang makukuha sa dahon ng tsaa gaya ng tannin ay epektibo laban sa impeksyon ng fungi sa balat. Taglay din ng tsaa matatapang na antioxidant at kaya din nitong pahupain ang impalamsyon sa balat na dulot ng fungi. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa regular na pag-inom ng tsaa: Benepisyo sa Tsaa.

Paano ito gamitin? Ang sapal na ginamit sa paggawa ng tsaa ay ipantapal sa balat na apektado ng impeksyon. Siguraduhing malalagyan ang buong balat na amy sakit.

5. Luya

Gaya ng bawang, ang luya ay may katangiang malakas na antibacterial at antifungal na mabisang panlaban sa impeksyon sa balat. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa luya: Luya.

Paano ito gamitn? Ang pinaglagaan ng luya ay dapat ipanghugas sa balat na apektado ng sakit. Maaari ding ipahid ang hiniwang luya hanggang sa masipsip ng balat ang katas.

6. Oregano

May epekto ring antifungal ang katas ng dahon ng oregano kung kaya’t mabisa rin ito para sa impeksyon ng fungi sa balat. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa oregano: Oregano.

Paano ito gamitin? Ang dinikdik na dahon ng oregano ay dapat ipantapal sa apektadong balat. Hayaang matuyo bago hugasan ng tubig.

7. Ampalaya

Maging ang gulay na ampalaya ay mabisa rin para sa impeksyon ng fungi. Taglay ng mapait na katas nito ang ilang substansyang may kakayanang puksain din ang maliliit na fungi. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa ampalaya: Ampalaya.

Paano ito gamitin? Ang katas ng ampalay ay ipahid sa balat na may impeksyon ng fungi. Hayaang matuyo bago hugasan.

8. Mangosteen

Bukod pa sa epektong antioxidant, kilala rin ang mangosteen sa epekto nito laban sa impeksyon ng bacteria at fungi. Kaya naman mabisa din ito laban sa mga sakit sa balat. Basahin ang iba pang benepisyong makukuha sa mangosteen: Mangosteen.

Paano ito gamitin? Ang pinaglagaan ng dahon at balat ng kahoy ay maaring ipanghugas sa balat na apektado ng impeksyon ng fungi.