Alternatibong Gamot sa Ubo

Ang ubo ang isa sa mga pinakakaraniwang karamdaman na nakakaapekto sa maraming tao. Ito’y maaaring maranasan kapag may bacteria, virus, o anumang maliit na bagay gaya ng pollen o alikabok, na nakapasok sa daluyan ng hininga. Ang pag-uubo kasi ang paraan ng katawan para mailabas ang mga ito.

Ang kondisyon ng pag-uubo ay kadalasang tumatagal lamang ng ilang araw, ngunit kung ang impeksyon ng bacteria ay lumala, maaaring magtagal pa ang ubo ng ilang linggo. Kung mahina ang resistensya ng katawan, maaaring humantong pa ito sa mas malulubhang karamdaman gaya ng pulmonya o tuberculosis.

Ang mga simpleng kaso ng ubo ay madali lang namang malunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng mga gamot na expectorant na tutulong sa mas mabilis na paglabas ng namuong plema sa daluyan ng paghinga. Ngunit bukod sa mga gamot na ito, mayroon pang mga alternatibong gamot na makatutulong din sa mas mabilis na paggaling sa ubo.

Image Source: kalusugan.ph

1. Pulot o honey

Image Source: www.medicalnewstoday.com

Ang pulot o honey ay matagal nang ginagamit bilang panglunas sa ubo. Sa katunayan, napatunayan na ng maraming pag-aaral na ang pulot ay mabisang gamot hindi lamang sa ubo, kundi pati na rin sa ilan pang kondisyon sa lalamunan gata ng sore throat. Kadalasan ay pinapalunok ng isang kutsarang purong honey ang indibidwal na may ubo. Pero sa ibang pagkakataon, hinahaluan pa ito ng tinadtad na bawang o kaya ay kalamansi.

2. Pinaglagaan ng mga dahon

Image Source: www.largeup.com

Ang pinaglagaan ng ilang mga dahon ay matagal na ding ginagamit na panglunas sa ubo. Madalas ay nilalaga ang mga ito at iniinom na parang tsaa. Kabilang sa mabisang halamang gamot sa ubo ang dahon ng oregano, solasi, tsaang gubat, herba buena.

3. Lagundi

Image Source: www.flickr.com

Ang halamang lagundi ay napatunyan na ring mabisa para sa ubo. Tumutulong ito sa pagpapalambot ng namuong plema sa daluyan ng hininga. Sa katunayan, may nabibili na sa mga botika na kapsula at likidong gamot na yari sa lagundi. Ngunit kung may halamang lagundi sa bahay, maaring inumin ang pinaglagaan ng dahon nito.

4. Kalamansi Juice

Image Source: philnews.ph

Matagal na ring ginagamit ang katas ng bunga ng kalamansi bilang alternatibong gamot para sa ubo. Sa umaga’y pinapainom ng katas ng kalamansi na hinalo sa maligamgam na tubig ang mga batang may ubo. Maaari din namang papakin at sipsipin ang hiniwang kalamansi.

5. Paminta

Image Source: mgalutonidennis.blogspot.com

Ang paminta ay ginagamit din ng ilan bilang panglunas sa ubo. Tinutulungan kasi nito na palabasin ang makapit na plema sa daluyan ng paghinga. Ginagamit ito sa pamamagitan ng paglalagay ng isang kutsaritang dinikdik na paminta sa isang baso ng bagong kulong tubig na hinaluan pa ng dalawang kutsarang pulot o honey. Ang pinaghalo-halong sangkap ay dapat inumin pagkatapos ng 15 minuto.

6. Luya

Image Source: plantsnpillars.blogspot.com

Ang pag-inom ng salabat o pinaglagaan ng luya ay matagal na ring paraan ng paggagamot sa ubo. Ang maanghang na lasa ng salabat ay nakatutulong din sa pagpapalambot ng makapit na plema sa daluyan ng paghinga. Maaari din itong haluan ng pulot upang mas mainam inumin.

7. Tubig

Image Source: unsplash.com

Ang pag-inom nang maraming tubig kung may ubo ay isa ring mabisang paraan upang mabilis na gumaling mula sa sakit. Tinutulungan kasi ng tubig na palambutin ang plema sa daluyan ng paghinga upang ito ay madaling mailabas.

8. Usok o steam 

Image Source: peasi.com

Ang paglanghap ng usok o steam mula sa mainit na tubig ay mabisang gamot din hindi lamang sa ubo kundi pati na rin sa pagbabara ng ilong dahil sa sipon. Pinapalambot din nito ang plema at sipon sa daluyan ng paghinga upang madali ring mailabas.