Ang bullying ay tumutukoy sa aksyon na isinasagawa ng isang tao o grupo ng mga tao sa isang mas mahinang indibidwal na kung saan minamaliit, sinasaktan, o hinihiya ang kanyang pagkatao sa harap ng iba pang tao. Minsan, ang biktima ay pisikal na sinasaktan, sinasabihan ng masasakit na salita, nilalait, tinatawag sa iba’t ibang katawagan, o kaya ay binabahiran ang dangal sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis tungkol sa kanya. Ito ay kadalasang nagaganap sa mga eskwelahan, ngunit maaari din itong maranasan sa opisina at iba pang pampublikong lugar.
Para sa ilan, ang konsepto ng pambubully ay normal lamang at bahagi talaga ng paglaki ng mga bata. Ngunit para sa mga eksperto at doktor, ito ay may masamang epektong sikolohikal sa biktima.
Image Source: www.globalpartnership.org
Masasamang epekto ng pambubully sa mga biktma:
- Takot at pagkabalisa.
- Pag-iwas sa pagpasok sa eskwelahan.
- Pagkakaroon ng bayolenteng personalidad.
- Depresyon.
- Pagpapakamatay.
Sino ang mga kadalasang nambubully?
Kahit na sino ay maaaring maging bully. Kadalasan, ninanais nilang maging bida o manguna sa lahat ng bagay. Nais nilang manipulahin ang ibang tao na nasa paligid nila. Samakatuwid, nais nilang dominahin ang mundong kanilang ginagalawan at wala silang pakialam sa nararamdaman ng ibang tao sa paligid. Ang ganitong personalidad ay kadalasang resulta ng inseguridad sa kanilang sarili, o kaya naman ay repleksyon ito ng sariling karanasan sa pamilya o sa nakaraan.
Sino ang mga nabibiktima ng pambubully?
Ang mga taong kadalasang biktima ng pambubully ay yung mga indibidwal na naiiba kumpara sa mas nakararami sa isang grupo. Silang mahiyain, tahimik, ibang lahi, kakaibang kasarian, may kapansanan, at iba pang mga katayuang kadalsang hindi tanggap ng nakararami.
Paano matutukoy kung ang inyong anak ay biktima ng pambubully?
Narito ang mga senyales na maaaring makapagsabi na ang inyong anak ay biktima ng pambubully:
- Umuuwi nang may sugat o galos na hindi maipaliwanag.
- Umuuwi nang may sirang damit o nawawalang gamit.
- Madalas umiwas o natatakot sa pagpasok sa eskwelahan
- Sinasaktan ang sarili
- Walang interes sa pakikipagkaibigan o pagsali sa mga extra curricular activities
- Mababa ang kumpyansa sa sarili
- Palaging malungkot o dumaranas ng depresyon
Ano ang dapat gawin ng mga biktima ng pambubully?
Para sa mga batang biktima ng pambubully, ang pinakamainam na paraan ng pag-iwas dito ay ang pagsumbong sa isang nakatatanda at pinagkakatiwalaang indibidwal. Kailangan ding maikwento ito sa sinumang may awtoridad gaya guro, magulang, o kaya guidance councilor.
Kung ang sitwasyon nang pambubully ay maaaring humantong sa pisikal sa sakitan, mainam na pigilin ang galit na nararamdaman at iwasang mapag-isa. Humanap ng mapagkakatiwalaang kaibigan at hangga’t maaari, sumama sa kanya sa lahat ng oras.