Ang Kamaynilaan ay isang malaking urbanidad kung saan bahagi na ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao ang pagkakaipit sa traffic. Ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P2.4 bilyon na halaga ang nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil dito. Ngunit bukod sa epekto nito sa ekonomiya ng bansa, ang pagkaka-ipit ng mga Pilipino sa matinding traffic ay may masasamang epekto rin sa kalusugan, lalo na kung ito ay magpapatuloy nang magtatagal na panahon.
Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa Toronto, ang madalas na pagkakaranas ng stress dahil sa traffic gayundin ang pagkakalantad sa polusyon sa lansangan ay magkakaparehong may masamang epekto sa kalusugan ay maaaring humantong sa mga nakakamatay na sakit.
1. Kanser
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na ang lansangan ay nababalot ng usok mula sa mga sasakyan. At ang maiitim na usok na ito na nagmumula sa mga tambutso ng sasakyan ay may mga nakakasamang kemikal, gaya ng carbon monoxide, na carcinogenic o nakapagdudulot ng kanser. Kaya naman, ang pagkakaipit nang matagal sa trapiko, partikular sa mga pasahero ng jeep na lantad sa usok ng lansangan, ang makapaghahatid sa panganib na ito.
2. Epekto sa pag-iisip
Ang abilidad ng tao na makapag-isip nang maayos ay apektado rin kung palagiang naaabala sa mahabang traffic. Mas nagiging mainit ang ulo ng mga nagmamaneho at nagiging iritable kahit sa simpleng pagsisiksikan sa masikip na kalsada. Ito ang kadalasang pinag-uugatan ng karahasan at krimen sa kalsada na ikinamatay na rin nang marami.
3. Altapresyon
Malimit ding maranasan ng mga taong naiipit sa trapiko ang pagtaas ng presyon ng dugo dahil sa stress na hatid ng hindi pag-usad ng sasakyan. Ito ay mas lalong nararanasan kapag nagmamadali na o may emergency na pupuntahan. Alam naman natin na ang altapresyon ay may masamang dulot sa kalusugan at maaaring humantong sa seryosong komplikasyon gaya ng atake sa puso at stroke.
4. Kakulangan ng tamang nutrisyon
Dahil naman sa pagmamadali para lang maiwasan ang matinding traffic sa pagpasok sa opisina sa umaga, o kaya naman kung maiipit nang matagal sa traffic habang pag-uwi sa gabi, madalas ay nakakaligtaan na ang sapat, masustansya, at kumpletong almusal at hapunan. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon sa loob ng matagal na panahon, maaaring magkulang sa tamang nutrisyon na kinakailangan sa pang-araw-araw.
5. Matinding stress
Ang matinding stress na hatid ng sobrang traffic ay matagal nang napatunayan na may masamang epekto sa kalusugan. Isa rin ito sa mga itinuturong dahilan o risk factors na nakaka-kontribyut sa pagkakaroon ng ilang mga nakamamatay na sakit. Ayon sa mga pag-aaral, mas matindi ang nararanasang stress ng isang indibidwal na naiipit sa trapiko nang 3 hanggang 4 na beses sa isang linggo.