Kasabay ng papalapit na pagdiriwang ng bagong taon, ay ang pagtaas naman ng mga kaso ng nasusugatan o napuputukan ng mga paputok. At karamihan sa mga to ay mga bata, o mga taong walang malay na aksidenteng nahahagisan lang ng paputok. Dahil dito, itinaas na ng Department of Health sa “Code White Alert” ang lahat ng tanggapan at ospital na nasa ilalim nito, nang sa gayon ay mas maging alerto ang mga ospital sa mga kaso ng naputukan at nasugatan ng dahil sa paputok. Ngunit ano nga ba ang dapat gawin kung sakaling maputukan ng paputok? At ano ang mga paunang lunas, lalo na kung malayo ang pagdadalhang ospital? Narito ang ilang hakbang na dapat gawin sa oras na maputukan:
1. Hugasan at takpan ang sugat.
Sa oras na maputukan ang mga daliri, kamay o iba pang bahagi ng katawan, agad na hugasan ng sabon at tubig ang sugat at takpan ng malinis na bandage ang sugat. Ito ay para maiwasan ang impeksyon at matigil agad ang pagdurugo.
2. Dalhin agad sa pinakamalapit na pagamutan.
Pumasok sa Emergency Room at ipatingin kaagad sa doktor ang natamong sugat mula sa paputok. Kailangang masuri ang sugat kung kakailanganin itong linisin lang o kung tatahiin pa. Sa mga malalalang kaso, maaring kailanganing putulin ang bahaging naputukan.
3. Iwasan ang patuloy na pagdurugo.
Lapatan ng pressure ang sugat at balutin ng gasa upang maiwasan ang pagdurugo. Kung patuloy pa rin sa pagdugo, itaas (elevate) ang bahagi ng katawan na nasugatan.
4. Iwasan ang pagpapahid ng kung anu-ano sa sugat.
Ayon sa paniniwala ng nakararami, pinapahiran ng toothpaste, butter, o mayonnaise ang naputukan. Ito ay hindi rekomendado ng mga doktor at dapat na iwasan sapagkat maaari lang itong magdulot ng impeksyon sa sugat.
5. Magpaturok ng Anti-Tetanus.
Ang mga sugat na dulot ng paputok ay nanganganib na maimpeksyon ng tetano. Ang tetano ay isang impeksyon ng bacteria na makaaapekto sa nerves at mga kalamnan. Dahil dito, kinakailangang magpaturok ng anti-tetano sa mga pagamutan.
6. Kung sakaling nakalunok ng paputok, painumin ng itlog.
Makatutulong ang itlog para mailabas ang nalulon na paputok at hindi ito magdulot reaksyon sa daluyan ng pagkain. Anim na itlog ang maaaring ipainom sa bata habang isang dosena naman para sa matanda.
7. Kung natamaan ng ligaw na bala, dalhin agad sa ospital.
Sa mga naputukan ng baril, takpan ang sugat at dalhin kaagad sa ospital. Mataas ang posibilidad ng pagkamatay sa mga taong biktima ng ligaw na bala, kung kaya, makabubuting dalhin na kaagad sa ospital kung sakaling maputukan ng baril.
8. Kung naputol ang daliri, dalhin agad sa ospital.
Ang naputol na daliri ay maari ding maikabit depende kung gaano ka-grabe ang kondisyon. Ilagay lamang ang daliri sa malinis na plastic, at ilagay sa lalagyan na may yelo.