Ano ang G6PD Deficiency?

Ang Glucose-6-Phosphate Dehydrogenase Deficiency o G6PD Deficiency ay isang sakit na genetiko na nakakaapekto sa red blood cells, ang cells sa dugo na responsable sa pagdadala ng oxygen mula sa baga patungo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Dahil sa kakulangan ng enzyme na Glucose-6-Phosphate Dehydrogenase, ang red blood cells ay madali o maagang namamatay. Dahil din sa sakit na ito, maaaring magkaroon ang apektadong idibidwal ng hemolytic anemia, isang uri ng ng anemia na ang sanhi ay ang pagkamatay ng mga red blood cells.

Gaano kalaganap ang sakit na G6PD Deficiency?

Ang sakit na G6PD Deficiency ay ang pinakakaraniwang sakit na nakaaapekto sa enzyme ng tao at kadalasang sa lalaki lamang nakakaapekto. Halos 400M na tao sa mundo ay may sakit na ganito. Ang mga lugar sa Africa, Middle East at Timog Asya ang may pinakamataas na bilang ng kasong ito.

Paano nagkakaroon ng G6PD Deficiency?

Ang kondisyong ito ay namamana, o naipapasa ng magulang sa kanyang anak. Ito rin ay isang uri ng X-linked disease o sakit na naipapasa sa pamamagitan ng apektadong X-Chromosome sa genes. Tandaan na ang bawat normal na tao ay may isang pares na chromosomes: sa mga kalalakihan ay mayroong X at Y chromosomes, habang ang kababaihan naman ay mayroong dalawang X chromosomes. Ang lahat ng X-linked diseases ay masmadalas na maranasan ng mga kalalakihan sapagkat ang isang apektadong X chromosome ay sapat na para makapagdulot ng sakit sa kalalakihan, habang sa mga kababaihan naman, kailangan ang dalawang apektadong X chromosome para makapagdulot ng sakit.

Ano ang maaaring maidulot ng kakulangan ng G6PD sa katawan?

Kapag kulang ang enzyme na G6PD sa katawan, ang mga red blood cells ay mas madaling namamatay kaysa normal, kung kaya’t malaki ang posibilidad na makaranas ng Hemolytic Anemia ang taong apektado nito. Ang mabilis na pagkamatay ng mga red blood cells ay maaaring dulot ng ilang bagay gaya ng sumusunod:

  • impeksyon ng bacteria o virus
  • kemikal mula sa mga gamot
  • reaksyon mula sa fava beans

Ang pagkakaroon naman ng Hemolytic Anemia ay maaaring magdulot ng pamumutla, paninilaw ng balat at mata, maitim na kulay ng ihi, hirap sa paghinga. Madali rin mapagod at mas mabilis ang tibok ng puso ng taong nakakaranas nito.

Paano nasusuri ang G6PD Deficiency?

Kadalasan, natutukoy ang pagkakaroon ng G6PD Deficiency kung unang-una ay nakakaranas ng mga sintomas ng hemolytic anemia. Kasunod nito’y susuriin ang kasaysayan ng pamilya pati na ang lahing pinagmulan. Pagkatapos nito’y sunod na susuriin at pag-aaralan sa laboratoryo ang dugo at enzymes sa katawan.

Ano ang gamot sa G6PD Deficiency?

Walang lunas na makakapigil sa pagkakaroon ng G6PD Deficiency sapagkat ito ay sakit na konektado sa genes at kadalasang hindi nagagamot. Ang tangi lamang magagawa ay umiwas sa mga kemikal at impeksyon na maaaring magdulot ng pagkamatay ng mga red blood cells.