Sa pangkasalukuyan, walang gamot na maaaring makapagpagaling o makapagpigil sa Alzheimer’s Disease, subalit may ilang mga gamot na maaaring ireseta upang supilin ang mga sintomas nito, gaya ng mga pagbabago sa pag-iisip at pag-uugali. Ang mga ito ay hindi nakakapag-pabagal ng proseso ng Alzheimer’s.
Ang pinakamahalagang maaaring gawin sa Alzheimer’s Disease ay ang pagbibigay ng suporta at pag-aalaga sa pasyente sa pangmatagalan. Tandaan na ang sakit na ito ay hindi nawawala, at palala pa ng palala. Kinakailangan ng matinding pasensya at pagmamahal ang pag-aalaga, lalo na’t kadalasan pa ay bugnutin, magagalitin, o may mga pagbabago sa ugali ang pasyente. Ang pagkuha ng isang dedikadong caregiver sa isang pasyenteng may Alzheimer’s ay malaking tulong rin sa kanya lalo na sa mga pangangailangang pisikal, gaya ng pag-alalay kapag nadudumi o naiihi, pagpapalit ng damit, pagpapaligo, pagkain, at iba pa.
Ang pagkakaroon ng physical therapy ay isa ring mahalagang bahagi ng paggagamot sa isang pasyenteng may-Alzheimer’s. Dahil hindi na makaalis sa kama, ang pagkakaroon ng bedsores ay isang dapat iwasan, at ito’y magagawa sa regular (kada 4 na oras) na pag-tagilid sa pasyente.
Mahina ang resistensya ng mga pasyenteng may Alzheimer’s kaya dapat rin silang umiwas sa mga ibang may sakit na maaaring makahawa. Siguraduhin ring mayroon silang mga angkop na bakuna para sa mga nakakatanda.
Panghuli, siguraduhing regular na natitingnan ng doktor ang kalagayan ng pasyente. Geriatric Medicine ay tinatawag na spesyalista sa mga matatanda, at Neurology naman ay tawag sa spesyalista sa mga karamdaman sa utak gaya ng Alzheimer’s. Alin man sa mga doktor na ito ay dapat regular na nakokonsulta ng isang pasyenteng may Alzheimer’s.