Ang gamutan sa balat na apektado ng an-an ay binubuo ng mga anti-fungal na pinapahid gaya ng ointment, cream o lotion, o kaya ay mga tableta na iniinom. Maaari din itong shampoo kung ang an-an ay nakakaapekto sa bahagi ng ulo at anit. Ang mga nabanggit na gamot ay kadalasang nabibili na over the counter sa mga butika at maaaring hindi na nangangailangan pa ng reseta ng doktor, ngunit mas mainam pa rin kung magagabayan ng dermatologist ang iyong paggagamot. Ang mga madalas na nireresetang gamot para sa an-an ay ketoconazole, clotrimazole, terbinafine. Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications. Magpagabay sa dermatologist sa wastong pag-inom ng mga gamot na ito.