Ang lunas o gamot sa balakubak o dandruff ay binubuo ng ilang mga simpleng hakbang na pwedeng gawin ng isang tao sa kanyang sarili. Kabilang dito:
1. Huwag kamutin ang buhok. Hindi mauubos ang balakubak sa iyong buhok sa kakakamot. Bagkos, lalo lang itong dadami sapagkat ang pagkakamot ay nakakasira sa atip o scalp, na siyang magdudulot ng mas marami pang pagtutuklap.
2. Suriin ang iyong mga ginagamit na shampoo, conditioner, gel, spray, at iba pang pampaayos ng buhok. Bawat tao ay may kani-kanyang mga pinapahid sa buhok na ‘hiyang’ sa kanila, subalit ang iba rin ay pwedeng maging ‘trigger’ o mitsa sa pagkakaron ng balakubak. Ang isang maaaring gawin ay itigil muna ang paggamit ng mga ito, at gumamit muna ng mild shampoo (yung pang-baby), o di kaya naman paltan ang ginagamit na mga produkto.
3. Bawas-bawasan ang paggamit ng shampoo. Minsan, ang sobrang paggamit ng shampoo at conditioner ay pwede ring dumagdag o magpalala ng balakubak.
4. Kung hindi pa gumaling ang balakubak sa pamamagitan ng unang tatlong hakbang, gumamit ng ‘anti-dandruff shampoo’ araw-araw. Hindi kailangang ‘ikusot’ ang shampoo sa buhok na parang labadang may mantsa. Sahalip, banayad lamang na ipahid ito sa buhok, at biglang ng sandaling oras (mga 5 minuto) ang sangkap ng anti-dandruff shampoo na umabot sa atip, bago magbanlaw. Para ang shampoo ay masabing ‘anti-dandruff’, dapat may aktibong sangkap ito laban sa balakubak. Halimbawa:
- salicylic acid
- selenium sulfide
- ketoconazole
- zinc pyrithione
Huwag gamitin ang anti-dandruff shampoo ng sobrang dalas, dahil baka ito mismo ay maging sanhi ng balakubak. Hindi agad-agad ang resulta; magbigay ng ilang linggo para sa mga epekto nito.
5. Kung hindi parin mawala-wala ang balakubak, maaaring magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor para sa iba pang pwedeng gawin para dito.