Ano ang gamot sa balisawsaw?

Q: Bakit po mayat maya ang pag ihi ko pabalik-balik po ako sa CR. Madami naman po ako uminom ng tubig? THanks po doc.

A: Hindi ko maaaring ipaliwanag kung ano talagang nararamdaman mo dahil hindi kita na-examine, ngunit maaari kitang bigyan ng kaalaman tungkol sa balisawsaw, na siyang karaniwang tawag sa iyong inilalarawan na maya’t mayang pag-ihi.

Ang balisawsaw ay isang salita na matagal nang ginagamit; maski ang mga diksyunaryo noong ika-16 na siglo ay nagbanggit nito. Walang eksaktong katumbas ang salitang ito sa ingles ngunit malapit dito ang terminong ‘dysuria’ (hirap na pag-ihi) at ‘urinary frequency’ (madalas na pag-ihi).

Maaaring ang balisawsaw ay dulot ng pagbabago sa tubig at ‘electrolytes’ sa katawan, na siya namang dala ng kakulangan sa tubig, o pagkawala ng tubig sa pawis o init. Kung ito lamang ang dahilan, uminom ng maraming tubig at iwasan ding kumain ng maalat na pagkain. Ang karaniwang mga kaso ng balisawsaw ay nawawala sa loob ng 1-3 araw.

Subalit pwede ring ang balisawsaw ay sintomas ng mga karamdaman gaya ng UTI, lalo na kung may kasama pang ibang sintomas gaya ng pagkirot sa may pantog, pag-iiba ng kulay ng ihi, at iba pa. Magpatingin sa doktor kung ito ay kaso upang maresetahan ng gamot.