Dahil ang beke ay sakit na dulot ng impeksyon ng virus, hindi makakatulong ang pag-inom ng mga antibiotics. Kailangan lamang hayaan ang sakit na lumipas sapagkat kusa itong gagaling at magkakaroon ng natural na panlaban ang katawan (antibodies) laban sa beke. Sinasabing makalipas lamang ang isang linggo ay ligtas na at hindi na makakahawa ang sakit. Ngunit upang maibsan ang mga sintomas, maaaring magpatong ng “cold compress” sa apektadong bahagi ng panga. Maaari ring uminom ng mga pain reliever gaya ng Paracetamol. Iwasan ding kumain o uminom ng maaasim sapagkat ang mga ito’y nakaka-irita sa salivary glands na siyang namamaga dahil sa beke.