Ang taong natukoyan ng pagkakaroon ng Bipolar Disorder ay nangangailangan na ng tuloy-tuloy na gamutan habang buhay. Dahil ang sakit na ito sa pag-iisip ay hindi na natatanggal, kinakailangan ang regular na paggagamot upang makontrol ang mga pabago-bagong emosyon, lalo sa sa panahon ng depresyon at maiwasan ang posibilidad ng pagpapakamatay. May tatlong gamot na kadalasang binibigay sa taong nakakaranas ng Bipolar Disorder: Una ay Mood Stabilizer, pangalawa ang antipsychotics, at ang huli ay anti depressants. Makakatulong din ang Psychotherapy para pabutihin ang pakiramdam ng pasyente.
Ano ang mga Mood Stabilizer na gamot?
Ang mood stabilizers ay binibigay ng doktor sa pasyente upang mapigilan na umabot sa sobrang taas o sobrang baba ang mood. Layunin ng mga gamot na ito na ilagay lamang sa gitna ang mood ng tao. Ang kadlasang binibigay ay Lithium na maaaring tableta, capsule o kaya’y iniinom na likido. Ayon sa mga pag-aaral, nakakatulong ito na pababain ng 70-80% ang dalas at mga sintomas na nararanasan. Mas mababa rin daw ang mga kaso ng pagpapatiwakal sa mga taong gumagamit nito. Kailangan lamang mabantayan ang lebel ng gamot na pumapasok sa katawan sapagkat maaaring makalason ang sobrang lithium.
Ano naman ang Antipsychotics?
Ang mga gamot na antipsychotics ay binibigay din sa pasyenteng may bipolar disorder upang makontrol din ang mga biglaang pagbabago sa mood ng tao. Kadalasang binibigay ang antipsychotics upang maiwasan ang mga halusinasyon na dulot ng psychosis, ngunit natuklasan na nakakatulong din ang mga gamot na ito na ilagay sa gitna ang mood ng tao. Ang psychosis ay isang kondisyon kung saan nakakaranas ng mga bagay na wala sa realidad, maaaring makarinig ng mga boses, makakita ng mga ilusyon at makaisip ng mga imposibleng bagay gaya ng pagpapatiwakal.
Ano ang mga Antidepressant drugs?
Ang isa pang gamot na maaaring ireseta ng psychiatrist ay ang mga antidepressant drug. Tumutulong ito na bawasan ang depresyon na nararanasan sa panahong mababa ang mood ng taong bipolar. Nangangailangan ng maingat na pagbabantay ng eksperto sa paggagamot gamit ang antidepressant. Dahil sa sakit na bipolar, may pagkakataong maaaring biglaang tumaas ang mood mula sa pinakamababa, at ito ay maaaring makasama sa pag-iisip.
Ano ang maaaring ibang epekto ng mga gamot?
Ang mga iniinom na gamot sa bipolar disorder ay maaaring makapagdulot ng ibang epekto sa katawan. Maaaring makaranas ng pakiramdam ng pagsusuka, pagkalagas ng buhok, karagdagang timbang, problema sa atay at bato, at problema sa pakikipagtalik.