Ang breast cancer ay isang kondisyon na kayang maagapan at kayang magamot, lalo na kung ito’y makikita sa maaagang ‘stage’ pa lamang. Dahil isang seryosong kondisyon ang kanser, ang gamutan dito ay hindi basta basta at bawat pasyente ay may angkop na gamutan. May apat na kategorya ng gamutan para sa breast cancer at kalimitan, isa o kombinasyon ng mga ito ay magiging plan:
1. Surgery o operasyon
Sa surgery, inaalis ang bahagi ng breast na may cancer. Kung maliit pa ang bukol, pwedeng alisin lamang ang isang bahagi ng suso pero kung medyo malaki na, at para paniguradong walang natira, tinatanggal ang buong suso sa operasyon na tinatawag na ‘modified radical mastectomy’. Maaaring pati mga kulani sa may kilikili ang tanggalin na rin dahil kalimitan ay dito unang nagpupunta ang mga cancer cells. Ang surgery ay angkop sa mga maaagang stage ng kanser.
2. Chemotherapy
Ang chemotherapy ang pagpuksa sa mga cancer cells gamit ang mga gamot na kalimitan ay pinapadaan sa dugo. Dahil matapang ang mga gamot na ito, maraming side effect ang maaaring maranasan kabilang ang pagkalagas ng buhok. Ang chemotherapy ay maaaring ibigay bago ang operasyon (neo-adjuvant therapy) o pagkatapos nito (adjuvant therapy) para siguraduhing mapuksa ang mga cancer cells. Ito’y pwede ring ibigay sa mga kanser na malala na upang mabawasan ang mga sintomas.
3. Radiotherapy o radiation therapy
Ang radiotherapy naman ay ang paggamit ng enerhiya ng radiation para puksain ang mga cancer cells. Ito ay kadalasang ibinibigay pagkatapos ng operasyon, para siguraduhing walang natirang cancer cells, o kaya naman pagkatapos ng chemotherapy. Dahil pati ang mga normal na cell ay naapektuhan, kabilang sa mga side effect ng radiotherapy ang pagkasunog ng balat, pananakit sa behagi ng suso na ginamitan ng radiotherapy, pamamanas o pamamaga (lymphedema) at iba pa.
4. Hormone therapy
May ilang uri ng breast cancer na maaring talaban ng pag-inom ng mga gamot gaya ng Tamoxifen na kumokontra sa estrogen. Pero gumagana lang ito sa mga breast cancer na “ER+”. Ito’y gumagana sa pagharang ng mga epekto ng estrogen sa mga cancer cells, at sa gayo’y pinipigilan ang mga ito sa paglaki. Dahil kumokontra ito sa estrogen na isang sex hormone ng mga babae, ang mga side effect ng hormone therapy ay parang pagkakaron ng ‘menopause’: pagkatuyo ng pwerta, pagiging bugnutin, kawalan ng sex drive, pagpapawis sa gabi, at ‘hot flushes’.