Ano ang gamot sa COPD?

Ang sakit na COPD ay nagagamot at kung kaya, hindi dapat lubusang mabahala. Bagaman ang gamutang ito ay mangangailangan ng masusing disiplina at kooperasyon. Ang paggagamot sa sakit na COPD ay mayroong apat na layunin:

  • Pabagalin ang progreso ng sakit
  • Bawasan ang nararansanang mga sintomas
  • Pabalikin ang dating kalusugan
  • Iwasan ang mga susunod pang pag-atake ng sakit

Bago ang lahat, kinakailangang itigil nang tuluyan ang paninigarilyo, sapagkat ito ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sakit na ito. Pagkatapos nito’y maaaring resetahan ng ilang gamot na makatutulong pahupain ang mga sintomas na maaaring maranasan. Narito ang ilan sa mga gamot na pinapainom sa mga pasyenteng may COPD:

Image Source: www.freepik.com

  • Bronchodilators. Ito ang mga gamot na kadalasang naka-inhaler. Tumutulong ito na pahupain at paluwagin ang namamagang mga tubong daluyan ng hangin. Kabilang dito ang albuterol, levalbuterol, tiotropium, at salmeterol.
  • Nilalanghap na steroid. May ilang gamot na corticosteroid na tumutulong paluwagin ang mga daluyan ng hangin at pinipigilan  ang mga susunod pang malalalang pag-atake ng sakit. Kabilang dito ang fluticasone at budesonide.
  • Iniinom na steroid. May ilan ding uri ng gamot na iniinom na makatutulong din pahupain ang mga katamtamang sintomas ng sakit na COPD. Bagaman ang mga ito ay may epekto gaya ng diabetes, katarata, karagdagang timbang, osteoporosis, at ilang mga impeksyon.
  • Phosphodiesterase-4 inhibitors. Ito ang bagong uri ng gamot na binibigay para sa malalalang kaso ng COPD. Halimbawa nito ay ang roflumilast. Tumutulong din ito na pahupain ang pamamaga sa daluyan ng paghinga.
  • Theophylline. Ito ang murang gamot na inirereseta para sa mga sintomas ng sakit na COPD. Tumutulong ito na paluwagin ang daluyan ng hangin at pahupain ang matinding pag-uubo na dulot ng sakit na COPD.
  • Antibiotic. Ang pagkakaroon ng mga impeksyon sa daluyan ng paghinga ay maaaring makapagpalala ng kondisyon. Kung kaya, ginagamitan din ng antibiotic ang pagkakaroon ng sakit na COPD.

Minsan pa, sa mga malalalang kondisyon na mayroong pagkasira ng baga, maaaring magsagawa ng transplantasyon o pagpapalit sa nasirang baga ng isang bago at malusog. Ito ay isang major na operasyon na kailangang paghandaan ng husto.