Ano ang gamot sa diabetes?

Bilang isang chronic disease o pangmatagalang sakit, ang diabetes ay kinakailangan ng kombinasyon ng gamot na iniinom, at pagbabago sa pagkain at pamumuhay (lifestyle modification). Dapat maging masipag at mapagpasensya ang mga pasyente sa pag-inom ng gamot, at suportado ng mga kamag-anak, gayun din naman ang pagbabago sa pagkain at pamumuhay. Dapat ding regular na namomonitor ang blood sugar ng pasyente sa pamamagitan ng glucose monitors at na maaaring gamitin sa bahay, o kaya naman sa health centre. Maganda ring regular na makuha ang blood pressure.

Anong mga gamot sa diabetes?

May mga iba’t ibang klase ng gamot para sa diabetes, depende sa klase ng pasyente. Kalimitan, Metformin ang unang ibinibigay sa mga bagong kaso ng diabetes, pero ang dosage (kung ilang miligrama) ay nakadepende kung gaanong kataas ang blood sugar at iba pang konsiderasyon. Mahalagang ikonsulta ang doktor kung anong pinakamagandang gamot para sa pasyente.

Sa mga may Type 1 Diabetes at sa mga kaso ng Type 2 Diabetes na hindi rumeresponde sa mga ibang gamot, maaaring ireseta ang insulin, na karaniwan ay itinuturok sa tiyan gamit ang maliit na karayom (parang kagat lang ng langgam ang turok na’to). Muli, kinakailangang tama ang dami at dalas ng insulin na ituturok — pwedeng mahimatay ang isang tao kapag nasobrahan siya ng insulin at kung kulang naman ay hindi nito magiging epektibo.

Anong mga pwede at bawal kainin ng may diabetes?

Image Source: www.medtecheurope.org

Ang prinsipyo sa pagkain ay pag-iwas sa mga pagkain na matataas ang asukal, lalo na ang mga pagkain na nagpapataas ng antas ng asukal sa dugo (high glycemic index). Dapat, mas maraming kinakaing prutas, gulay at iba pang pagkain na mataas sa fiber at mababa sa taba at asukal. Halimbawa, sa kanin, mas maganda ang brown rice o red rice dahil mas mataas ang fiber nito. Sa tinapay din, mas maganda ang whole wheat, sugar-free bread kaysa sa pangkaraniwang tinapay. Kung kakain ng karne, iwasan ang matatabang bahagi, at mas piliin ang isda at manok. Iwasan din ang sobrang tamis, lalo na ang mga processed foods o mga pagkaing ginawa sa mga pabrika o bibebenta ng maramihan, gaya ng karamihan sa nabibili sa mga tindahan.

Basahin: Listahan ng mga pagkain na mababa ang glycemic index
Basahin: Listahan ng mga pagkain na mataas ang glycemic index

Ano namang pagbabago sa pamumuhay ang dapat sa may diabetes?

Ang pag-eehersisyo ay isang mabisang paraan para makapagpababa ng blood sugar. Ang 30 minutes hanggang 1 oras araw-araw na aerobic activity (pagtakbo, jogging, swimming o paglangoy, Zumba, treadmill, at iba pa) ay napakalaki na ang natutulog sa mga may diabetes. Syempre, dapat hindi biglain ang pag-eexercise, dapat dahan-dahan hanggang masanay ang katawan.

Mga dapat bantayan: diabetic emergencies

Para sa mga may diabetes, dahil sa mismong kondisyon na ito at dahil sa mga gamot, pwedeng sobrang tumaas o sobrang bumaba ng asukal sa dugo, at magdulot sa mga emergency na dapat bantayan. Kung ang pasyente ay nakaranas ng mataas na lagnat, biglaang pagiging matamlay, uhaw, pagbabago sa isip at ugali, pagkalito, at iba pa, dalhin ito agad sa ospital. Kung may available na glucose meter, gamitin ito, at kung sobrang baba ng asukal (mas mababa sa 50) pakainin ng kahit anong matamis gaya ng fruit juice o candy.