Ang gamutan sa kondisyon na heatstroke ay nakasentro sa pagpapababa ng temperatura ng katawan pabalik sa normal na temperatura. Ito ay mahalaga maisagawa sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pinsala sa mga organ ng katawan lalo na sa utak. Narito ang mabibisang hakbang para pabalikin sa normal na temperatura ang katawan:
- Pag-aalis ng makakapal na damit na maaaring makapagpa-init ng katawan. Ito ang pangunahing hakbang para mapababa ang temperatura ng katawan. Makatutulong nang malaki ang pagtatanggal ng damit na maaaring makadagdag ng init sa katawan.
- Pagpapaligo sa malamig na tubig. Ito ang pinakasimple at pinakamadaling hakbang para mapababa ang mataas na temperatura. Ang pasyente ay maaaring ilublob sa bathtub na may malamig na tubig upang mabilis na bumagsak ang init ng katawan.
- Pagbabalot ng cooling blanket at pagtatapal ng yelo. Mabilis ding nakakapagpalamig ng katawan ang paglalagay pagbabalot sa pasyente ng malalamig na bagay.
- Iba pang cooling techniques. May mga cooling techniques na isinasagawa sa ospital upang mapababa ang temperatura. Isa dito ang evaporation cooling techniques kung saan pahahanginan ang pasyente na may kasamang malamig na water vapor.
- Paggamit ng gamot kontra sa panginginig ng katawan. Maaaring bigyan ng gamot, tulad ng benzodiazepine, ang pasyenteng nanginginig dahil sa mga hakbang gaya ng paglalagay ng yelo o paglublob sa malamig na tubig. Pinipigilan ng gamot na ito ang panginginig sa pamamagitan ng pagpapa-relax sa mga kalamnan. Tandaan na ang panginginig ng mga kalamnan ay nakadaragdag laman ng init sa katawan.
- Pag-inom ng malamig na tubig. Kung ang pasyente ay hindi naman nawalan ng malay at may kakayanan pang makainom, malaking tulong ang pagpapa-inom ng malamig na tubig.