Sa pangkasalukuyan, walang gamot para sa Hepatitis B na ibinibigay para sugpuin mismo ang virus. Ang tanging magagawa lamang ay gamutin ang mga sintomas na maaaring maranasan. Para sa Hepatitis B na acute o hindi malala, maaaring bigyan lamang ng karagdagang nutrisyon at dagdag na inumin sapagkat ito ay nawawala naman ng kusa. Ngunit kung ang Hepatitis B ay chronic o malala at tumagal na, maaaring bigyan ng mga antiviral na gamot gaya ng lamivudine, adefovir, telbivudine at entecavir na makatutulong makapagpabagal sa pagdami ng virus. Sa mga lalong malubhang kalagayan naman, maaaring isagawa ang liver transplant o ang paglilipat ng bago at masiglang atay.