Ang HIV (Human Immunodeficiency Virus) na siyang nagdudulot ng AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) ay isa sa mga pinaka-kinakatakutang sakit, at isa sa mga dahilan dito ay ang pananaw na walang gamot sa HIV/AIDS. Bagamat totoo na sa ngayon ay wala ngang gamot na maaaring magtanggal sa HIV mula sa katawan, hindi ka katapusan ng mundo sapagkat may mga gamot na maaaring mag-control sa HIV. Ang mga gamot na ito, na tinawag na Anti-Retroviral Drugs (ARVs) ay isa sa mga dahilan kaya maaari nang mabuhay ng matagal ang mga taong may HIV, di gaya dati na basta ma-diagnose ng HIV ay tuloy-tuloy na ang paglala ng sakit. Highly-Active Anti-Retroviral Therapy (HAART) ang tawag sa gamutang rekomendado ng mga spesyalista sa pangkasalukuyan: ito’y binubuo ng tatlong iba’t ibang gamot.
Tandaan: Ang gamutan para sa HIV/AIDS ay maaaring makuha sa DOH ng libre. Tunghayan ang artikulong “Listahan ng HIV Testing Centers sa Pilipinas” para malaman kung saan maaaring makamtan ang mga gamot na ito. Makipag-ugnayan sa mga HIV support groups at sa Philippine National AIDS Council upang makahingi ng gamot, tulong, ang suporta.
Isa pa, nabanggit natin sa naunang artikulo, “Ano ang mga sintomas ng HIV/AIDS”, na ang HIV/AIDS mismo ay hindi direktang nagsasanhi ng mga sintomas; ito’y nagbibigay-daan lamang para ma-impeksyon ang tao. Mayroon ding mga gamot para sa mga impeksyong ito: mga antibiotics at mga anti-fungal na gamot at bahagi rin ito ng gamutan sa taong may HIV, lalo na kung ito’y isang ganap na kaso ng AIDS at maraming dumarating na impeksyon. Ngunit ang mga gamot na ito ay hindi basta-basta; mga espesyal na klase ng antibiotiko ito sapagkat espesyal na klase rin ng mga mikrobio na nakakaapekto sa mga taong may AIDS.
Sa mga taong may AIDS, may mga ibang gamot na iniinom na kaagad bago pa man dumating ang impeksyon, upang ito’y hindi na makapasok sa katawan. Ang tawag sa mga ito ay mga prophylactic drugs.
Dahil napaka-komplikado ng gamutan sa HIV/AIDS, kailangan ng gabay at reseta ng spesyalista upang wastong gamot ang mainom. Maaari ring makipag-ugnayan sa mga HIV support groups para makahingi ng tulong tungkol dito.
Dahil HIV/AIDS ay isang pandaigdigang epidemiko, maraming mananaliksik ang naghahanap ng gamot na tuluyang makakapuksa sa HIV. Patuloy rin ang pagkakaroon ng bagong mga gamot na sumusupil sa pagdami ng HIV sa katawan. Dahil dito sa gamot na ito at sa mga gamot na mayroon na ngayon, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinumang may HIV.