Araw-araw, maraming Pilipino ang nakakagat ng aso, sa rami ba naman ng asong kalye o askal na pagala-gala. Bagamat ito’y pangkaraniwang karanasan na sa atin, ano nga ba ang dapat gawan kapag kinagat ka ng aso? Una, linising mabuti ang sugat. Tubig at sabon ay sapat na para hugasan ang sugat. Pangalwa, bantayan ang aso. Alamin kung saan nagmula ang aso, at kung meron ba itong record ng vaccination para sa rabies. Ang aso na may rabies ay maoobserbahan na parang baliw o wala sa sarili hanggang ito’y mamatay. Ang mga sintomas na ito ay kalimitang magagamat sa loob ng 5-10 araw. Pangatlo, kumunsulta sa doctor para ma-examine ang sugat. Minsan, lalo na kapag sa labas nangyari ang pagkakagat, maari ring kailanganin ang anti-tetanus na vaccine. Kung ang aso ay may record ng kumpletong bakuna laban sa rabies at maari itong mabantayan sa susunod na 10 hanggang 15 araw, maaring hindi na kailanganin na bigyang ang nakagat ng aso ng rabies vaccine. Subalit kung ang aso ay walang record, at kung ito ay nakaalpas, kailangang magpaturok ng 3 o 4 na beses ng rabies vaccine. Kalimitan ito ay ibinibigay sa araw na pagkakakagat, tapos sa ika-7 na araw, sa ika-10 na araw, at sa ika-14 na araw. Ang rabies ay bihirang-bihirang mangyari, kaya kahit hindi ka magpa-bakuna, malaki ang posilibilidad na walang mangyari sa’yo. Ngunit itataya mo ba ang buhay mo sa posibilidad? Sa buong mundo, isa o dalawa pa lamang, sa libo-libong nagkaka-rabies, ang nakaka-recover; lahat ng iba ay namatay nang dahil sa rabies. Kaya mabuti na ang sigurado. Para maka-iwas sa rabies, siguraduhing may bakuna laban sa rabies ang inyong aso. I-report rin sa pulis o barangay opisyal kung may mga asong paggala-gala na nangangagat. Ang asong may rabies ay mas bayolente at delikadong manatili sa mga kalye. Hindi lamang sa aso maaring makuha ang rabies. Maging sa mga pusa, paniki, at iba pang hayop ay maaring magsanhi ng rabies. Magpatingin kaagad sa doctor kapag kayo ay nakagat. Mabuti na ang sigurado!