Ano ang gamot sa insomnia o hirap makatulog?

Kung ang sanhi ng insomnia ay natukoy, maaaring magamot ang sakit sa pag-iwas sa sanhing ito. Maaari ding may baguhin sa sleeping habits sapagkat maaari ding ito ang dahilan ng hirap sa pagtulog. Kung hindi pa rin umepekto ang mga hakbang na ito, ang doktor ay maaaring magrekomenda ng ilang behavioral therapy na makakatulong sa pagtulog. Layunin ng therapy na ito na ituro sa pasyente ang mga tamang sleeping habits o ang mga dapat at hindi dapat gawin bago matulog. May ilang relaxation therapy din na itinuturo na makakatulong sa mas mahaba at malalim sa tulog.

Maaaring din namang magreseta ang mga doktor ng sleeping pills o gamot pampatulog na makakatulong sa pagpapahimbing ng pagtulog. Ilan sa mga gamot na maaaring i-reseta ay ang zolpidem, eszopiclone, zaleplon or ramelteon.

Mabisa bang pangontra sa insomnia ang mga sleeping pills?

Bagama’t makatutulong ang mga sleeping pills o mga gamot na pampatulog sa pagpapahimbing ng tulog, hindi ang pag-inom nito ang pangunahing solusyon na pinapayo ng mga doktor sa pasyente. Tandaan na ang mga sleeping pills ay maaaring makapagdulot ng ibang epekto sa katawan gaya ng problema sa pag-ihi at pagiging antukin sa araw.