Ano ang gamot sa katarata o cataract?

Ano ang mabisang gamot o lunas sa katarata?

Sapagkat ang katarata ay parang isang bara sa lente o lens ng mata, ang tanging paraan para manumbalik ang linaw ng paningin ay ang pag-aalis sa katarata sa pamamagitan ng operasyon o surgery.

Anong ginagawa sa operasyon o surgery para sa katarata?

Sa cataract surgery o operasyon para sa katarata, inaalis ang lente ng mata na may katarata, at sa karamihan ng kaso, pinapaltan ito ng artipisyal na lente. Ito ay isang mabilis lamang na operasyon at gising ang pasyente habang ginagawa ito, bagamat syempre may local anesthesia para mamanhid ang mata at hindi maramdaman ng pasyente ang operasyon.

Wala akong pera para sa operasyon. Ano kaya ang aking magagawa?

Sapagkat ang katarata ay isang karaniwang kondisyon sa mga matatanda sa Pilipinas, maraming mga organisasyon at mga local government ang nagsasagawa ng mga cataract mission o libreng opera sa katarata. Isangguni sa inyong health centre o city health office ang inyong katarata at itanong kung mayroong mga ganitong pagkakataon. Ang katarata rin ay isang kondisyon na maaaring ma-reimburse sa PhilHealth.

Bukod sa operasyon, ano pa ang pwedeng gawin para gumanda ang paningin?

Tiyaking maliwanag ang mga kapaligiran. Maaaring gumamit ng magnifying glass sa pagbabasa. Kung gumamit ng computer, magpatulong upang palakihin ang mga font ng mga pahina at mga programa.