Maraming tao na apektado ng kondisyon ng alcoholism ang tumatanggi o nagdadalawang-isip sa pagpapagamot sa sakit dahil sa paniniwalang hindi naman sila apektado nito (denial stage), kaya naman nangangailangan ng matinding suporta mula sa mga kaibigan at kapamilya ang pagsisimula ng gamutan dito. Ang paggagamot sa sakit na alcoholism ay binubuo ng ilang mga hakbang o paraan gaya ng pakikipag-usap sa mga propesyonal (counseling), pag-inom ng mga gamot, at maging suporta mula sa mga mahal sa buhay.
- Detoxification at withdrawal. Ang paggagamot sa sakit na alkoholismo ay kadalasang nagsisimula sa pag-aalis ng alkohol sa katawan at pag-inom ng mga gamot na pangontra sa mga sintomas na dulot ng paghinto sa pag-inom ng alak. Maaari itong magtagal ng ilang araw hanggang isang linggo.
- Counseling. Sinusundan ito ng porpesyonal na pakikipag-usap sa doktor o psychologist ukol sa progreso ng paggagamot sa sakit. Pinag-uusapan din dito ang lahat ng epekto at mga aspeto na may kaugnayan sa sakit na alcoholism.
- Pag-inom ng mga gamot. May ilang gamot na makatutulong sa pag-iwas sa pag-inom ng alak gaya ng disulfiram, naltrexone, at acamprosate. Ang mga ito ay nakakabawas sa pagnanais o pag-aasam na uminom ng alak.
- Suporta ng mga pamilya at iba pang tao sa paligid. Malaking bahagi ng paggagamot ang suporta mula sa mga taong nakapaligid sa taong may sakit. Mayroon ding mga grupo at mga concerned citizens na maaaring lapitan upang mahingan ng suporta.
- Pag-inom ng mga gamot para sa iba pang kondisyon. Kadalasang sinasabay na rin ang paggagamot sa mga kondisyong nabuo dahil sa pag-iinom ng alak. Maaaring simulan ang paglilinis sa atay at pagsasaayos sa lebel ng asukal sa dugo.