Ano ang gamot sa low blood o hypotension?

Dahil ang pagkakaroon ng low blood pressure ay nagdudulot lamang ng mga simple at panandaliang pagkahilo at iba pang mga sintomas, kadalasan ay isinasawalang-bahala lang at bibihirang gamitan ng gamot. Ngunit kung ang mga sintomas na nararanasan ay nagiging sagabal na sa pang-araw-araw na gawain, makabubuting bigyan na ito ng pansin. Ang paggagamot sa mababang presyon ng dugo ay depende sa sanhi nito. Kung ang low blood pressure ay dahil sa iba pang sakit gaya ng sakit sa puso, diabetes at hyperthyroidism, makatutulong na gamutin mismo ang mga sakit. Kung dahil naman sa mga iniinom na gamot, maaaring kailanganing palitan o baguhin ang dosage nito. Ang iba pang lunas sa low blood pressure ay ang sumusunod:

  • Karagdagang asin sa pagkain. Ang asin ay nakapagpapataas ng presyon ng dugo kung kaya makatutulong na dagdagan ang alat ng mga pagkain.
  • Pag-inom ng tubig. Ang pagdaragdag ng tubig sa katawan ay makapagpaparami din ng dami ng dugo, kung kaya, maiiwasan din ang low blood pressure.
  • Pag-inom ng gamot. Ang mga gamot na fludrocortisone at midodrine ay makatutulong sa pagpapataas ng presyon ng dugo.