Mahalaga ang paggagamot sa tachycardia upang mas mapabagal ang mabilis na pagtibok, maagapan ang mga posible pang atake ng tachycardia, at mapigilan na humantong sa mas sersyosong komplikasyon.
Upang mapabagal ang mabilis na tibok ng puso:
- Vagal Maneuver – Maaaring mapabagal ang tibok ng puso sa pamamagitan ng Vagal Maneuver na maaaring makaapekto sa vagal nerve na tumutulong sa pagregulisa ng pagtibok ng puso.
- Gamot – Ang mga gamot na anti-arrhythmic drug gaya ng flecainide at propafenone na nakatutulong pabalikin sa normal na pagtibok ang puso ay maaaring iturok sa ospital kung sakaling hindi tumitigil ang mabilis na tibok ng puso.
- Cardioversion – Nakatutulong din ang cardioversion o pagpapadaloy ng mahinang kuryente patungo sa puso upang pabalikin sa normal na tibok ang puso. Kadalasan itong isinasagawa kapag hindi gumana ang Vagal maneuver at mga gamot.
Upang mapigilan ang mga posibleng atake ng tachycardia:
- Catheter Ablation – Pinipigilan nito ang tachycardia sa pamamagitan ng paglalagay ng catheter sa ugat na daluyan ng dugo patungo sa puso at magpapadala ng init o lamig para makontra ang sobrang electrical impulse sa puso.
- Paglalagay ng instrumento sa dibdib – Maaaring maglagay sa loob mismo ng dibdib ng isang maliit na instrumento o device na makatutulong pigilan ang atake ng tachycardia.
- Operasyon – Maaari din magsagawa ng operasyon sa puso at babawasan ang daluyan ng electrical signals upang mapigilan ang mga posibleng susunod pang atake ng tachycardia.