Ang gamutan sa myoma ay nakadepende kung gaanong kalala ito. Sa mga kasong hindi naman malala, pwedeng bantayan na lang muna ang myoma. Kasi, kapag ang babae ay nag-menopause na, malaki rin ang posibillidad na lumiit o tuluyang mawala ang mga myoma.
Mga pwedeng inumin na gamot para sa myoma
Image Source: www.freepik.com
Pero kung nakakasagabal ang mga sintomas, maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot na pwedeng inumin. Kabilang na dito sa mga gamot na ito ang Gonadotropin-releasing hormone (GnRH) agonists, androgens, at ilang uri ng mga IUD. Magpatingin sa iyong OB-GYN o iba pang doktor upang malaman kung anong klase ng gamot ang nararapat sa iyo
Habang hindi ka pa nakakapagpatingin, ang pag-inom ng mga pain reliever gaya ng Ibuprofen ay maaaring makatulong na mawala ang sakit o kirot, subalit hindi nito masusupil ang pagdudugo kung meron man.
Mga operasyon na pwedeng gawin para sa myoma
kung hindi parin makuha sa mga gamot na iniinom, ang mga myoma ay pwede ring gamutin sa pamamagitan ng operasyon at iba pang procedure. Ang inyong OB-GYN ang makakapagsabi kung alin sa mga ito ang akma sa iyong karamdaman. Narito ang ilan sa mga pwedeng gawin:
- Hysterectomy – Ang pagtatanggal ng buong matris. Kung wala ka nang planong magkaron ng anak, ito’y epektibo, at dahil tatanggalin na nga ang buong matris, hindi ka na makakaranas ng pagregla o pagdurugo.
- Myomectomy – Ang pagtanggal ng mga myoma sa matris. Ito’y isang uri ng operasyon kung saan aalisin ang mga myoma. May mga iba’t ibang technique rin para dito. Ang bentahe nito ay ang matris ay naroon parin at pwede mo pang subukang magdalang-tao. Subalit, may pag-asa rin na bumalik muli ang mga myoma.
- Bukod sa dalawang ito, may mga makabagong technique rin gaya ng uterine artery embolization, endometrial ablation, at iba pa. Muli, makipag-ugnayan sa inyong OB-GYN kung alin sa mga ito ang nararapat na gawin sa inyo.