Ang tanging lunas sa ngongo at bingot sa pangkasalukuyan ay ang pagsasagawa ng operasyon upang maretoke ang apektadong labi at gilagid. Ito ay kalimitang isinasagawa sa lalong madaling panahon. Halimbawa, maraming mga surgeon ang pabor na ang operasyon para sa bingot ay gawin sa ika-10 linggo mula sa kapanganakan ng sanggol; at ang ngongo naman ay makalipas lang ang ilan pang buwan. Subalit ang pag-schedule ng operasyon ay nakadepende rin sa kondisyon ng sanggol, at kung gaanong kalala ang pagkabingot o pagkangongo. Ang mahalaga ay mapatingnan kaagad ang sanggol upang mapaghandaan kaagad ang gagawing operasyon. Maaari ring dalawa o higit pang operasyon ang isagawa, depende rin sa kondisyon.
Bago ang operasyon, mahalagang magabayan sa wastong paraan ng pagpapasuso o pagpapakain sa sanggol.
Bukod sa operasyon, mahalaga rin ang regular na follow up sa mga doktor. Halimbawa, ang pagtubo ng mga ngipin ay maaaring hindi pantay at kailangan itong masubaybayan.
Dahil sa mahabang karanasan ng mga eksperto sa pag-oopera ng bingot at ngongo, malaki ang posibilidad na maretoke ang ngongo at bingot at maibalik sa normal ang sanggol. Maraming mga tao sa kasalukuyan na hindi mo aakalaing ngongo o bingot noong bata. Subalit para masigurado ang pinakamagandang resulta, mahalaga talagang magawa ang regular na follow-up sa mga doktor ng batang may bingot o ngongo.