Anong mga gamot ang maaaring inumin para sa sakit sa bato?
Ang layunin ng paggagamot sa sakit ng bato ay mapahinto o mapabagal ang paglala ng sakit, at isa sa mahalagang bahagi nito ay ang pagkontrola ng altapresyon o mataas na blood pressure. Depende sa kanilang blood pressure, ang mga pasyente na may sakit sa bato ay maaaring resetahan ng mga gamot na pampababa ng blood pressure gaya ng Captopril o Losartan (marami pang iba; hayaang ang doktor ang magreseta ng mga gamot na ito at kung gaanong kadalas o kung ilang miligrama).
Bukod sa mga gamot laban sa high blood maaari ring magbigay ng mga gamot na pampaihi (diuretic) lalo kung may pamamanas, at gamot na pampababa ng kolesterol kung mataas ang koesterol. At kung ang sakit sa bato ay isang komplikasyon ng diabetes, bahagi din sa paggagamot ang paggagamot ng diabetes o anumang sakit.
Dagdag sa mga gamot nito ang mga vitamins at minerals na maaaring mabawasan dahil sa sakit sa bato. Kabilang dito ang Vitamin D, Iron, at Phosphate. Ang mga ito ay pawang naka-depende kung gaanong kalala ang sakit at ang inyong doktor ang makakapagsabi kung alin sa mga ito ang dapat inumin.
Bukod sa gamot, ano pa ang dapat gawin para malunasan ang sakit sa bato?
Ang mga sumusunod ay dapat gawin ng mga pasyenteng may chronic kidney disease upang maiwasan ito o mapabagal ang paglala:
- Pagtigil sa paninigarilyo
- Pagtigil o agbabawas sa pag-inom ng alak
- Pagkain ng masustansya, hindi maalat, at mababa sa taba
- Pagkain ng prutas at gulay araw-araw
- Pag-eehersisyo ng hindi kukulangin ng 5 beses kada linggo
- Pagbabawas ng timbang kung ikaw ay obese o overweight