Q: Ano ang gamot sa sobrang pagpapawis ng kili-kili?
A: Marami namang mga “anti-persipirant” na nabibili sa mga tindahan, at ang mga ito ay nakaka-pigil sa pagpapawis. Gusto kong idiin na may kaibahan ang “deodorant” at “antiperspirant”: ang deodorant ay parang pabango na nagtatanggal ng amoy ng pawis na dumikit sa damit, samantalang ang antiperspirant naman ay nagpapabawas sa pagpapawis mismo. Ang aluminum chloride ay isang mabisang sangkap na nakakabawas ng pagpapawis sa kili-kili.
Bukod dito, ang pag-iwas sa mga maaanghang o spicy na pagkain, at sa init, ay nakaka-bawas rin ng pagpapawis.
May mga tao na ‘pawisin’ at may mga taong halos hindi pinapawisan; ang mga ganitong pagkakaiba ay normal lamang. Kung patuloy kang nagagambala nito at hindi gumagana ang mga anti-perspirant sa’yo, magpatingin sa dermatologist o iba pang doktor upang magabayan ka kung ano pa ang pwedeng gawin para dito.