Ang paggagamot sa stroke ay depende sa anong uri ng stroke ang naranasan ng pasyente at kung gaano ito kalala o gaano kalawak ang bahagi ng katawan na naapektohan. Ang pagpapabalik ng maayos tuloy-tuloy na suplay ng dugo sa utak ang prayoridad sa paggagamot ng stroke, kasunod nito ay ang rehabilitasyon sa mga naapketohang bahagi ng katawan at mga abilidad sa pagsasalita at paglalakad.
Mga gamot at pamamaraan na isinasagawa sa mga kaso ng stroke
- Pag-inom ng aspirin. Upang maiwasan ang patuloy na pamumuo ng dugo, binibigyan ang pasyente ng gamot na aspirin. Ang gamot na ito ay nakapagpapanipis ng dugo at pumipigil sa pamumuo o blood clot.
- Pag-turok ng tissue plasminogen activator (TPA) – Nakatutulong ang TPA upang matanggal ang pagbabara sa ugat sa utak. Ito ay itinuturok sa loob ng 3 hanggang 5 oras mula nang unang maranasan ang mga sintomas ng stroke. Ito ay hindi nararapat sa kaso ng pumutok na ugat sa utak.
- Pagpapasok ng catheter sa ugat papunta sa utak. Maaaring magpasok ng mahabang tubo sa ugat patungo sa bahagi ng utak na mayroong pagbabara upang matanggal ito.
- Operasyon. Maaari ding magsagawa ng operasyon sa ugat na daluyan ng dugo upang tanggalin ang mga namuong taba at cholesterol sa pader ng mga ugat na nagdudulot ng pamumuo ng dugo.
Para naman sa mga kaso ng pumutok na ugat sa utak, maaaring isagawa ang sumusunod:
- Pag-papatigil ng pagdurugo sa utak. Maaaring ipa-inom ang warfarin at clopidogrel upang maiwasan ang pamumuo ng dugo sa utak, o kaya ay gamot na nakapagpapababa ng presyon ng dugo sa ulo upang mabawasan ang pag-agos ng dugo dito. Sa oras na matapos ang pagdudugo, maaaring simulan na ang pagsasaayos sa pumutok na ugat sa utak. Maaaring isara ang ugat na pumutok sa pamamagitan ng surgical clipping, paglalagay ng bypass sa ugat ng utak, radiosurgery, at iba pang komplkadong pamamaraan ng pagkokonekta sa nasirang ugat.
Matapos matanggal ang pagbabara o maisara ang pumutok na ugat at maibalik na ang maaayos na suplay ng dugo sa utak, sisimulan naman ang rehabilitasyon para sa mga naapektohang abilidad at pagkilos sa ilang mga bahagi ng katawan.
- Pagpapanumbalik ng kakayahang makapagsalita sa tulong ng isang speech therapist
- Pagpapanumbalik ng maayos na pagkilos sa tulong ng physical therapist at occupational therapist
- Pagpapanumbalik ng maaayos na pag-iisip sa tulong ng neurologist at psychiatrist