Nakakalungkot man para sa mga pasyente, mahaba ang gamutan sa TB: pinakamababa ang anim na buwan. Dahil ito ay mahirap gawin, ang stratehiya ng DOH at iba pang himpilan ay ang tinatawag na “DOTS” o “Directly-Observed Treatment Short Course”. Ibig-sabihin nito ay dapat may nakaka-obserba sa isang pasyenteng umiinom ng kanyang gamot, upang matiyak na talagang iniinom nya ang gamot.
Sa regular na gamutan (para sa mga pangkaraniwang kaso), apat na klaseng ng gamot ang iinom sa loob ng dalawang buwan: Isoniazid, Rifampicin, Pyrazinamide, Ethambutol. Makatapos ang dalawang buwan, may dalawang gamot, Isoniazid at Rifampicin, na itutuloy sa loob ng apat na buwan hanggang makabuo ng anim na buwan na gamutan. May mga gamot na pinagsasama na ang lahat ng gamot na ito sa iisang tableta para hindi mahirap inumin. Ang iba naman ay nasa blister pack at magkakahanay ang apat na gamot na kailangan mong inumin, at may numero ang mga araw (parang pills ng babae). Libre ang mga gamot na ito sa mga DOTS center kaya magandang magpasuri sa mga center na ito. Bawat bayan ay may mga DOTS center; ipagtanong sa pinakamalapit na health center kung nasaan ang mga ito.
Mag-iiba ang gamutan kung ikaw ay dati nang may TB at muli kang nagkaron ng mga sintomas nito. Mag-iiba rin ang gamutan kung hindi mo nakumpleto ang pag-inom ng gamot tapos bumalik muli ang mga sintomas. Anuman ang iyong klasipikasyon, hayaang ang doktor o ang mga tao sa health center ang magreseta ng dapat mong inumin.
Dahil sa pag-inom ng gamot na Rifampicin, maaaring maging kulay pula o orange ang ihi ng pasyente. Ito ay normal at hindi dapat ikabahala. Para sa kumpletong listahan ng mga side effect ng mga gamot sa TB, basahin ang artikulong “Mga side effect ng gamot sa TB” sa Mediko.PH.