Ano ang gamot sa tigdas-hangin o German measles?

Walang gamot sa tigdas-hangin o german measles kung hindi ang maghintay na ito ay kusang mawala. Inuulit ko: ang tigdas-hangin ay isang karamdaman na kusang nawawala at hindi kinakailangan ng anumang gamot.

Image Source: www.freepik.com

Subalit para sa mga sintomas ng tigdas-hangin, may mga pwedeng inumin na gamot o gawin upang magbigay-ginhawa. Kabilang na dito ang mga sumusunod:

    1. Uminom ng Paracetamol o Ibuprofen upang mawala ang lagnat, pananakit, at mabawasan ang pangangati. Huwag magbigay ng Aspirin sa mga bata. Sa pangangati, maaari ring uminom ng antihistamine.
    2. Huwag kamutin ang mga pantal, baka ito’y ma-impeksyon pa.
    3. Uminom ng maraming tubig, sapagkat kung ang pasyente, lalo na kung bata, ay nilalagnat, mabilis itong maubusan ng tubig sa katawan kaya dapat patuloy ang pag-inom ng tubig at iba pang liquids gaya ng juice.
    4. Bawal munang pumasok.

Isang linggo kalimitang tumatagal ang tigdas-hangin, at sa panahong ito ay maaaring makahawa ang pasyente, kaya para ikabubuti nya at para maka-iwas tayo sa pagpapalaganap pa ng tigdas-hangin, magpahinga na lang muna sa bahay.

May mga bawal ba sa taong may tigdas-hangin?

Wala naman, bukod sa pag-inom ng aspirin kung bata pa, o sa pagpasok sa school o opisina upang hindi makahawa at para makapahinga. Tandaan: Hindi bawal maligo! Tingnan ang sagot ng Mediko.PH tungkol sa tanong kung pwede bang maligo.

Kung hindi parin gumagaling ang sakit sa loob ng isang linggo, magpatingin na sa doktor.