Ano ang gamot sa ubo, sipon, at halak ng baby?

Q: Hello po..may ubot sipon po kasi ang baby ko 4 months old po sya..pati po ako may sipon at hirap sa paghinga..nung una po ubo lng sakit ng baby ko at yung halak pinacheck up po namin sya niresita po ay cefalexin at ambroxol na drops..ano po ba mas mabisa na gamot sa sipon at ubo,halak ng baby

A: Ang ubo, sipon, at halak sa mga bata’t sanggol ay isang karaniwang karanasan, ngunit nakakabagabag dahil sa ingay at iyak dahil dito. Karamihan ng ubo at sipon ng mga bata ay kusang nawawala, at hindi kinakailangan ng antibiotics o iba pang gamot. Subalit dahil sa pag-aalala at paninigurado ng mga magulang, nagiging normal na lamang na tuwing may ubo’t sipon ay pinapainom ng gamot.

Dahil dito, wala tayong masasabing pinaka-epektibong gamot sa ubo, sipon, at halak; karamihan ng mga gamot na sinasabing “para sa ubo” o “para sa sipon” ay nakakabawas lamang ng mga sintomas nito. Kalimitan, kusang gumagaling ang mga bata sa kanilang ubo’t sipon. Ang tanging tiyak na paraan upang maging gumaling ang isang baby ay suportahan ito – bigyan ng maraming tubig o siguraduhing nakaka-dede ng maayos, at ilayo sa usok, init, lamig at iba pang pwedeng maka-irita sa baga ng bata.

Kung tumagal ng higit sa isang linggo ang ubo, o kaya’y may kasama itong mataas na lagnat, dugo sa plema, o iba pang di-karaniwang sintomas, o di kaya’y parang hirap huminga ang baby, saka lamang nakaka-alarma ang ubo, sipon, at halak, at sa ganitong sitwasyon ay nararapat nang magpatingin sa doktor at uminom ng gamot, kasama na ang antibiotics.